1.6M Ilalaan ng Quezon para sa mga PWD
Naglaan ng kabuuang 1.6 million pesos ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon para sa kapakanan ng PWDs o Persons with Disabilities sa buong lalawigan. Ayon kay Ms. Mutya Rada ng Provincial Social Welfare and Development Office at miyembro rin ng Provincial Council on Disability Affairs, ang pondo ay gagamitin para sa iba’t ibang programa ngayong 2017 para sa mga PWD. Magsasagawa aniya ng mga aktibidad para sa capacity building, adbokasiya, pagbibigay ng mga IDs para sa mga ito at iba pang mga aktibidad para sa national disability prevention and rehabilitation week. Ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Council on Disability Affairs ay magsasagawa ng flower arrangement, basket making, singing competition at interpretative dance competition sa lalawigan bilang parte ng NDRP celebration.
Samantala ang TESDA Quezon ay mayroon ding isinasagawang mga programa para sa training ng mga PWD upang magkaroon ang mga ito ng kinakailangang kakayanan para makapamuhay ng maayos at magkaroon din ng pagkakakitaan. Ang lalawigan ng Quezon ay mayroong mahigit 13,000 na rehistradong PWDs ayon sa tala ng Provincial Social Welfare and Development Office.