1,000 pamilya mula sa Quezon, nagtapos sa Pantawid Program
Isang libong pamilya sa lalawigan ng Quezon ang nagtapos mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa Pugay Tagumpay Graduation Ceremony na ginanap sa Quezon Convention Center sa Lucena City nitong Miyerkules, kinilala ng ahensiya ang patuloy na pakikiisa ng mga pamilyang-benepisyaryo sa pagpapaunlad ng kani-kanilang pamumuhay.
Ayon sa DSWD, ang isang family-beneficiary ay maituturing na self-sufficient household o graduate na sa programa kung ito ay may sapat na kita sa oras ng graduation; kayang makayanan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan; at nakamit ang unang dalawang antas ng Social Worker Development Indicators (SWDI).
Samantala, pormal ding inendorso ng Kagawaran ang mga nasabing benepisyaryo mula sa 26 na lokalidad sa lalawigan sa kani-kanilang lokal na pamahalaan at sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon.
Tinanggap naman ng provincial government ang hindi lamang ang isang libong graduates sa araw na iyon, kundi pati ang higit 7,000 mga nagtapos ng programa sa buong lalawigan.
Patuloy daw na pangungunahan ng pamahalaang panlalawigan ang balidasyon at monitoring ng mga pamilyang ito para sa pagsiguro ng estado ng pamumuhay ng mga nagsipagtapos.