News

12 mula sa MSEUF College of Law pasado sa BAR Exam; pag-aabugasya sa Quezon hindi pahuhuli

May kabuuang 3,992 sa 9,183 examinees ang pumasa sa 2022 Bar Examinations. Ang resulta ay inilabas nitong April 14, 2023.

Sa 3, 992 na mga bagong abogado sa buong bansa, 12 dito ay mula sa Manuel S. Enverga University Foundation Law School.

Pumasa sa bar examination at ganap ng abogado sina Atty. Joanne Advincula-Ililigay, Atty. Carmen Aldovino, Atty. Jerromeo Brusas, Atty. Jonathan De Castro, Atty. Liezl De Mesa, Atty. Vicente Fabrero II, Atty. Carlota Ann Lafuente, Atty. Ruby Marie Leonen, Atty. J. Era Lipa, Atty. Jhanel Queaño, Atty. Jean Ravanzo at Atty. Jeanne Remojo.

“Natutuwa naman ako at sila ay nakapasa bilang abogado at sila ay dagdag sa maglilingkod sa ating mamamayan at dagdag sa pangangailangang legal na serbisyo ng ating mga tao dito sa Lungsod ng Lucena at Lalawigan ng Quezon,” ani Atty. Rey Oliver Alejandrino, Dean ng MSEUF College of Law.

Ayon sa Dean ng College of Law ng nasabing unibersidad na si Atty. Rey Oliver Alejandrino sa 12 na pumasa sa 2022 Bar exam na mula sa kanilang unibersidad, 6 dito ang mga first taker, 5 ang mga second taker at isa naman ang umulit muli sa pagsusulit.

Sinabi ng dekano sa nag-iisang law school sa Quezon, sa lalawigan kahit paano hindi mapag-iiwan ang pag-aabugado.

“Noong last year, natutuwa kami sapagkat mayroon top notcher kami diyan, ‘di ba? May excellent passer tsaka exemplary passer. Mayroon kami exemplary passer, nakakatuwa ang ating isang provincial law school tulad ng Enverga Law School ay nagkaroon ng isa sa mga top notcher sa buong Pilipinas, si Atty. Caren Moralez so nakakatuwa naman malalaman na saan ka ba nag-graduate hindi ka mahihiyang Enverga Law School sapagkat nakikita na marami ang pumapasa. Mahusay ang mga faculty members,” sabi Atty. Alejandrino.

Noong 2021 Bar Examination, 22 ang pumasa mula sa Enverga University. Sabi ni Atty. Alejandrino, bunga ito ng mga repormang ginawa nila sa nasabing Law School.

“Marami tayong pagbabagong ginawa sa preparasyon sa Bar examination. Kumuha ako ng mga propesor na magagaling at nagbabagsak at siyempre kapag sila ang bagsak, matututo at mapupwersang mag-aral ang mga estudyante,” saad ni Atty. Alejandrino.

Taong 2014 nang simulang maging Dean ng Enverga College of Law si Atty. Rey Oliver Alejandrino. Pangarap niyang lalo pang mapataas ang passing percentage sa Bar examination ng kanilang mga estudyante.

Pin It on Pinterest