News

2 kaso ng dengue naitala sa Brgy. 5; Misting operation sa lugar isinagawa

Nagsagawa ng misting operation sa ilang purok sa Barangay 5, Lucena City upang mapigilan ang pagkalat ng sakit na dengue sa kanilang lugar, ito ay matapos na makapagtala dito ng naturang sakit.

Dalawa sa mga bata sa kanilang komunidad ang tinamaan ng dengue kamakailan na nasa maayos ng kondisyon ngayon.

Hindi matiyak kung saan nakuha ng mga bata ang sakit. Upang makasiguro na hindi na dumami pa sa barangay ang magkaroon ng sakit nito, kaagad na humiling si Barangay 5 Kapitan Edward Sy Bang sa City Health Office ng misting operation sa mga purok ng mga batang tinamaan ng degue upang mawala sa lugar ang mga lamok na posibleng may dala ng sakit.

“Nagkaroon tayo dito ng kaso ng dengue kaya tayo ay humingi ng tulong para mapahiram tayo ng mga gamit sa pang-misting,” sabi ni Kapitan Edward Sy Bang.

Umaga ng February 2, 2023, sinuyod ng tauhan ng DRRRMO ang mga lugar na pinamumugaran ng mga lamok upang sugpuin. Sumama mismo si Kapitan Sy Bang sa operasyon upang malaman ang kalagayan ng mga residente, kasabay ang paghihikayat sa lugar na maging malinis ang paligid upang maiwasan ang ano mang uri ng sakit.

“Para ma-i-ayos natin para ang mga kabahayan ay ma-i-ano natin na maglinis ng kapaligiran,” dagdag pa ng kapitan.

Ang ginawang misting operation ay mainam daw sabi ng ilang residente. Kahit paano sa pamamagitan ng operasyong ito, mapapawi ang kanilang pangamba na magkaroon ng sakit na dala ng kagat ng lamok.

“Mapipigilan ang pagkalat ng dengue kasi napausukan na sila,” sabi ni Aling Janeth.

“Para mag-alisan ang mga lamok para iwas sakit ang mga tao,” ang sabi ni Rosalina.

Sabi ng kapitan, inuna lang muna sa ngayon ang mga purok na may mga batang tinamaan ng dengue pero target daw na isailalim sa operasyon ang buong komunidad.
“Lahat ito buong barangay hindi lamang yoong dalawang purok ang lilinisin pati yoong ibang purok lilinisin para hindi na muli magkaroon ng dengue dito ay aayusi natin ang kalinisan,” saad ni Kapitan Sy Bang.

Pin It on Pinterest