2 proyektong pang-agrikultura, opisyal na itinurn-over sa mga kooperatiba sa Quezon
Opisyal nang inilipat sa Quezon Federation and Union Cooperatives (QFUC) ang pamamahala ng Processing and Marketing ng Virgin Coconut Oil Facility na matatagpuan sa Brgy. Binahaan, Pagbilao, Quezon sa ginanap na maikling programa ngayong Biyernes, Setyembre 22.
Ayon kay QFUC Vice Chairperson Cess Villamena, nagsimula ang proyektong ito noong 2015 na layong makatulong sa mga magniniyog ng lalawigan. Naibahagi rin niya na walang masasayang na niyog sapagkat sa ilalim ng kanilang pamamahala ay hindi lamang virgin coconut oil ang kanilang magiging produkto.
Inaasahan naman ng pamahalaang panlalawigan na lubos na mapapakinabangan ng mga magniniyog sa lalawigan ang naturang proyekto.
Samantala, ngayong araw din, pormal na itinurn-over sa PALCON Dairy Multipurpose Cooperative ang pamamahala ng Dairy Multiplier Farm na matatagpuan sa Brgy. Concepcion-Palasan, Sariaya.
Personal na nagtungo si Governor Doktora Helen Tan sa ginanap na sermonya, kung saan kanyang hinikayat ang bawat miyembro ng kooperatiba na mas palawigin ang kanilang produksyon ng gatas ng baka dahil malaking oportunidad ito upang mapaunlad pa ang kanilang industriya.
Patuloy naman umano ang suporta ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pagpapalawak ng proyektong ito na mahigit anim na taong pinagplanuhan.