News

2019 Executive – Legislative Agenda ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena, nagsimula na

[embedyt] https://www.youtube.com/watch?v=iOK_ghc6f2g[/embedyt]

Umarangkada na ang 2019 Executive – Legislative Agenda ng pamahalaang panglungsod ng Lucena na isinagawa sa isang hotel sa Laurel, Batangas malapit sa Tagaytay City. Ang Executive Legislative Agenda o ELA ay dinadaluhan ng mula sa ehekutibo o ang Mayor, mula sa lehislatura na kinabibilangan naman ng bise alkalde, at mga konsehal, lahat ng department heads ng lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders ng isang munisipalidad o lungsod. Nagpasubali si Manong Nick Pedro sa mga dumalo ng ELA na dapat ay “no holds barred” ang maging talakayan para sa Lungsod ng Lucena. Ito anya ay upang mapanday ng husto ang mga kaisipan na ilalahad sa pagpupulong mula sa iba’t ibang sektor upang makapag-buo ng mas magandang programa at epektibong aksyon. Kailangang magkatugma-tugma ang mga pangarap ng bawat isang dumalo sa ELA ang sinabi naman ni Konsehal Sunshine Abcede-Llaga at sabayan naman ito ng aksyon upang matupad ang kanilang mga pangarap para sa lungsod.

Binanggit din ni Manong Nick Pedro ang tungkol sa lagay ng trapiko sa Lungsod ng Lucena na patuloy na lumalala. Idinagdag pa nito na halos sampung taon na, na pinag-uusapan ang mga posibleng solusyon at aksyon para dito. Hiniling ni Konsehal Pedro na sana anya ay makita na ang tamang direksyon sa usapin upang magkaroon na ng kongkretong solusyon sa problema ng trapiko sa Lungsod ng Lucena sa pamamagitan pa rin anya ng magandang pagpaplano.

Samantala si Lucena City Mayor Roderick Alcala naman ay nagsumite na sa Sangguniang Panglungsod ng kanyang executive agenda para sa pagbabalik-aral at reporma sa kalagayan ng trapiko sa syudad.

Kahalagahan at kaluhugan ng Executive Legislative Agenda

Ang Executive Legislative Agenda o ELA ay isinasagawa sa pag-uumpisa ng panibagong termino ng mga nanalo o mauupong opisyales ng lokal na pamahalaan sa mga bayan at lungsod sa buong bansa. Katuwang ang Department of Interior and Local Government o DILG, tinatalakay sa training/seminar ang mga priority project at mga aktibidad na isasagawa sa loob ng tatlong taong panunungkulan ng mga opisyales ng pamahalaan. Kabilang sa mga dumadalo sa ELA ay ang mayor na kumakatawan sa ehekutibo, vice mayor at mga konsehal ng bayan o lungsod na kumakatawan sa lehislatura at ang iba’t ibang hepe ng mga departamento ng lokal na pamahalaan at iba’t iba pa ring mga stakeholders.

Pare-parehong maglalatag ng mga ideya, proyekto at mga programa at aktibidad ang alkalde ng lokal na pamahalaan, bise alkalde, mga konsehal, department heads at stakeholders upang talakayin at pag-usapan ito upang makabuo ng daan tungo sa epektibong pamamahala. Sa ELA din kadalasang inilalatag ng mga bagong halal na opisyal ang mga proyektong ipinangako nito sa nakaraang eleksyon at nais nitong ipatupad sa nalooban ng kanilang termino.

Kapag natapos at napag-usapang mabuti ang mga proyekto at aktibidad na inilatag sa ELA o Executive-Legislative Agenda ay ito na ang magiging gabay sa tatlong taong pamamahala at paglilingkod ng isang lokal na pamahalaan. Bagamat ito ang nagsisilbing gabay, maaari pa rin namang maglunsad at magsagawa pa ng ibang programa na hiwalay sa ELA ang mga lokal na pamahalaan.

Pin It on Pinterest