24,000 ektarya ng organic farm, target ng DA sa Calabarzon
Nais ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA IV-A) na madagdagan ang taniman para sa organikong pagsasaka sa rehiyon.
Isa ito sa isinusulong ng Organic Agriculture Program (OAP) ng DA IV-A sa isinagawang Information Caravan on Organic Agriculture kamakailan.
Target ng ahensiya na magkaroon ng higit 24 libong ektarya ang kasalukuyang higit 22,000 ektarya ng organic farm sa Calabarzon.
Ayon sa DA, upang makamit ito, patuloy na hinihikayat nila ang mga lalawigan na bumuo ng mga ordinansa na layuning patatagin at palawigin ang organic farming sa kani-kanilang nasasakupan.
Nilalaman umano ng nasabing ordinansa ang tungkulin ng pamahalaang panlalawigan upang mapangalagaan ang kalikasan sa pamamagitan ng organikong pagsasaka at ang kanilang suporta na makapag-ani ng ligtas, masustansya, at sariwang pagkain para sa mga mamamayan.
Ayon sa ahensiya, malaki ang potensiyal ng industriya sapagka’t tatlong porsyento ang naiaambag ng nito sa pangkabuuang produksyon ng pagkain sa rehiyon.
Sa kasalukuyan ay mayroong higit 12 libong organikong magsasaka sa rehiyon. Mayroon namang 373 samahan para sa Organic Agriculture, 66 learnings sites, 17 na third party certified farms, at pitong Participatory Guarantee System certified farms sa rehiyon.