2K litro ng VCO kayang magawa sa bubuksang pasilidad sa Pagbilao
Malapit nang magamit ng mga coconut farmers sa Quezon Province ang virgin coconut oil processing facility na matatagpuan sa Brgy. Binahaan sa bayan ng Pagbilao.
Sa ngayon ay sinusuri na ng Quezon Federation and Union of Cooperatives ang pasilidad at mga equipment dito na kabuuang halaga na P70,525,000.
Ayon sa DA, kapag nagsimula na ang operasyon ng pasilidad ay kaya nitong makapag-produce ng 2,000 litro ng virgin coconut oil kada araw mula sa 15,000 mga niyog.
Ang processing facility na pinondohan ng DA para sa Quezon Federation and Union of Cooperatives ay layong ma-maximize ang lokal na suplay ng niyog sa lalawigan.
Plano ng federation na unahin ang mga lokal na magsasaka ng niyog sa Pagbilao at iba pang lugar sa Quezon bilang mga supplier ng raw material para sa kanilang pagproseso ng VCO.
Balak rin na sa loob ng lokalidad kumuha ng manpower upang makapagbigay ng mas maraming oportunidad na trabaho sa lugar.
Ayon kay Randy Fajardo, Chief Executive Officer ng federation, mayroon na silang mga target market kung saan nila maaring ibenta ang kanilang mga produkto.
Ang 95% ng kanilang mga produkto ay planong iluwas sa loob ng bansa. Samantala, ang mga natirang bahagi ng niyog tulad ng shells, extracted meat at iba pa ay plano ring gamitin upang lubos na mapakinabangan ang mga raw material at mabawasan ang epekto sa kapaligiran.
Inaasahan na sa ikalawang quarter ng 2023 ang pormal na pagsisimula ng operasyon ng naturang virgin coconut oil processing facility.