300 IPs nagsimula nang maglakad patungong Malacañang upang tutulan at ipatigil ang Kaliwa Dam
Sinimulan na kahapon, February 15, 2023 ang paglalakad ng mga miyembro mula sa Alyansa Laban sa Mapaniil na Dam o ALMA DAM at STOP KALIWA DAM Network patungong Malacañang Palace.
Nagsimula ang Alay-Lakad sa General Nakar, Quezon matapos magsagawa ang mga Dumagat-Remontado ng ‘Ngayangay,’ isang katutubong ritwal para sa kalikasan at upang hingin sa kanilang mga ninuno ang gabay sa gagawing paglalakad.
Tinatayang nasa 9 na araw na Alay-Lakad ng 300 katutubong Dumagat / Remontado para tutulan at ipatigil ang Kaliwa Dam.
Layunin ng lakad na ito na ipaabot sa mga mamamayan at sa Pangulo kasama ang ibang ahensya, ang sama-samang pagtutol kontra sa pagtatayo ng nasabing dam.
Marami na ang nagpahayag ng pagtutol sa naturang proyekto sa hangaring maprotektahan ang Sierra Madre, gayundin ang buhay at kabuhayan ng mga katutubong naninirahan dito.
Ang Lokal na Pamahalaan naman ay naniniwala na magbubunga ang alay-lakad na ito upang mas tumaas ang kamalayan ng mga mamamayan at umaasa na makabayang pagpapasya ng pamahalaan sa usaping ito.