32-anyos na lalaki, arestado sa kasong paglabag sa RA 7610
Inaresto ng mga tauhan ng Batangas PNP Maritime Group ang isang lalaki dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 sa Ramp 2 Area, Batangas Port, Brgy. Sta. Clara, Batangas City.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Rachel John Santos, 32-anyos at residente ng Brgy. Tinaytayan, Dumarao, Capiz.
Una rito, isang tawag mula sa Dumarao Municipal Police Station ang natanggap ng Batangas PNP Maritime na may isang lalaki umano ang tumangay sa isang 11-anyos na batang babae habang lulan ng RoRo vessel patungong Batangas Port.
Dahil dito, agad nakipag-ugnayan ang PNP Maritime Batangas sa pangunguna ng hepe nito na si PCPT. Benito Siddayao, Jr. sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard Batangas, Port Police at Port Security para sa agarang pagkakadakip ng suspek.
Nadakip ito matapos basahan ng Miranda Doctrine ni PCPL Anna Grace Maniebo kaugnay sa kasong paglabag sa RA 7610 o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act”.
Ayon sa salaysay ng suspek, June 2022 pa sila umano nagkaroon ng relasyon ng biktima na kung saan itinuring na kapamilya ng mga magulang nito ang suspek dahil kumpare daw at kung minsan ay nakikitulog sa mga ito.
Kalaunan ay nabisto umano ng pamilya ng biktima na mayroong relasyon ang dalawa sa pagitan ng suspek at ng biktima hanggang sa tumakas ang suspek bitbit ang 11-anyos na batang babae patungo sanang Maynila.
Sa kwento naman ng biktima, limang beses na umano silang nagtalik ng suspek.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ito ng Himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.