7.2% na paglago ng ekonomiya noong fourth quarter ng 2022, hindi ramdam ng ordinaryong Pilipino
Hindi ramdam ng pangkaraniwang Pilipino ang naitalang 7.2% na paglago ng ekonomiya noong fourth quarter ng 2022.
Sabi ng ilang ordinaryong mamamayan, mas humirap nga raw ang sitwasyon ngayon ng marami.
Noong last quarter nga raw noong nakaraang taon halos nagsimulang mas tumaas ang mga presyo at bayad sa sebisyo.
‘’ay ewan ko, hindi ko naman nararamdaman mahirap parin ang buhay ngayon,’’ sabi ng isang tindera.
‘’walang pagbaba lahat tumaas, parang lalong naghihirap ang ekonomiya, matataas ang bilihin lahat tumaas,’’ ang sabi ng mamimili na si Gaby.
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA) umabot sa 7.2% ang gross domestic product (GDP) growth sa huling kwarter ng 2022.
Ang sabi tuloy ng ilan, bakit hindi nila ito ramdam, ang malinaw raw ngayon at nararamdaman ng lahat lalo na ng pamilya ng mga minimum wage earners ay ang sumisipang presyo ng maraming produkto.
‘’sabi nila gumanda na ekonomiya? ay hindi po lalong tumataas ang presyo ng mga bilihin,’’ sabi ni Aling Beth.
Patunay daw ang mataas pa ring inflation rate noong nakaraang December.
“Lalong naghirap, ang mahal kasi ng bilihin”
“Hindi bumababa katulad ng sa itlog dati ay mababa ngayon ay mataas”
Nanatiling nasa 8.1% ang inflation rate noong December 2022.
Nasa 10.2 percent ang galaw ng food inflation kung saan naitala sa 32.4% ang presyo ng mga gulay.
Ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ang malinaw na ramdam ng mga pamilya ng mga ordinaryong manggagawa ay ang hindi maawat na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Giit ng TUCP, kung gusto ng gobyerno na maibsan ang bigat na pasanin ng mga mahihirap, dapat na tugisin nito ang mga agricultural smuggler, cartels at ang mga kasabwat nilang mga middlemen.
Mungkahi pa ng grupo, dapat makapaglatag ang gobyerno ng komprehensibong agriculture roadmap upang malabanan ang agriculture hoarding at smuggling at direktang makonsulta ang mga stakeholder para sa pagpapalakas ng produksyon.