98 Senior Citizen sa Barangay Market View, Lucena City, Tumanggap ng Social Pension mula sa DSWD
Aabot sa 98 senior citizens sa Brgy. Market View sa Lungsod ng Lucena ang nakatanggap ng pinansyal na tulong mula sa programang social pension ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
“Ito po ay ang social pensioner program mula po sa tanggapan ng DSWD kung saan sa Brgy. Market View po ay meron po tayong 98 na kabilang po sa mga lubhang mahihirap na pamilya na binibigyan po ng tulong mula DSWD.”
Sinabi ng mga opisyal ng DSWD, ang social pension ay isang programa ng kanilang tanggapan na layong mabigyang tulong-pinansyal ang mga matatanda na may edad 60 pataas.
Ayon kay Kgd. Janinne Napule, karagdagang ayuda ito ng gobyerno para matustusan ang mga pangangailangang medikal, gamot at pagkain ng mga senior citizen kung saan makatatanggap ang bawat benepisyaryo ng halagang P1500 sa loob ng tatlong buwan na may kabuuang halagang P6,000 kada taon.
“Ang bawat isa po ay makakatanggap ng P1500. Ito po ay tinatanggap tuwing ikatlong buwan, ngayon po ay tumatanggap po ay ‘yung buwan ng January to March o 1st quarter po ng 2022,” sabi ni Kgd. Napule.
“’Yun pong tulong para po sa kanilang maintenance na gamot at syempre po sa pagkain pero ito po ay tulong na cash po kung saan cash po siyang tinatanggap na nagkakahalaga po ng P1500 na magiging suporta po ng ating mga nakatatanda o mga senior citizens dito sa ating barangay,” dagdag pa ni Kgd. Napule.
Isa si nanay Cayabyab sa mga benebisyaryo ng programang social pension ng DSWD na malaking tulong daw ang ayudang ito sa pagbili ng pangunahin nilang pangangailangan lalo na’t siya ay may inaalagaan sa bahay na mayroong kapansanan.
“Malaking tulong talaga ako ay patay na ang asawa ko 13 taon na ay kami ay 3 na lang sa bahay, sa pagkain kasi meron akong isip na bata sa sapul sa pagka-ano na’y hindi siya makalakad nakaupo lang siya hindi nakaka-imik”
Maliban sa ayudang ipinagkaloob ng DSWD, nagbigay rin ang Pamahalaang Barangay ng Brgy. Market View sa pangunguna ni Kapitan Edwin Napule ng mga libreng maintenance na gamot gaya ng amlodipine, calcium carbonate at ferrous sulfate sa mga nakatatanda.
Si Nanay Sabel, labis na nagpapasalamat sa mga opisyal ng barangay dahil makakatipid daw kahit papaano sa gastusin dahil sa natanggap niyang mga gamot pang maintenance.
“Malaking tulong ito sa amin, maraming Salamat hindi na makakabili muna ng kaunti pang dagdag din.”
Ayon naman kay Kapitan Napule, sa mga susunod na araw ay mamamahagi rin sila ng mga salamin sa mga lolo at lola sa lugar na tinawag nilang programa na Oplan Salamin