Agrikultura sa Quezon sumigla!
Sa kabila ng pinsalang dulot ng pesteng cocolisap at bagyo na tumama sa lalawigan ay muling napanumbalik ang sigla ng sektor ng agrikultura sa buong probinsya ng Quezon. Ito ang isa sa iniulat ni Governor David “Jay-Jay” Suarez sa kanyang ika-limang State of the Province Address. Ayon kay Governor Suarez, mabilis na natugunan ng pamahalaang panlalawigan at Philippine Coconut Authority (PCA) ang pinsalang idinulot sa mga magniniyog at napababa agad sa manageable level ang peste ng cocolisap. Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority taong 2014, 36% ng isda sa rehiyon ay nanggaling sa lalawigan ng Quezon, 38% ang kontribusyon ng Quezon sa produksyon ng palay, 43% ng kabuuang produksyon ng gulay sa rehiyon ay nanggaling sa lalawigan, 58% ang kontribusyon sa mais at 76% naman ang kontribusyon ng lalawigan sa niyog. Ang lalawigan ng Quezon ang nagsisilbing Food Basket ng CALABARZON sapagkat humigit kumulang sa 50% ng mga pangunahing pagkaing ibinebenta at umiikot sa merkado sa rehiyon – gulay, bigas, isda, mais at niyog ay nanggaling sa Quezon. Sa ilalim naman ng Rice Self-Sufficiency Program, patuloy na pagtaas nito mula sa 46.18% noong 2010, naging 52.94% noong 2011, 57.67% noong 2012 at pumalo sa 58.98% noong 2013. Inalalayan din ng pamahalaang panlalawigan ang iba’t ibang industry sa lalawigan tulad ng Mangosteen sa lungsod ng Tayabas na dumaan sa matinding pagsubok dahil sa pagtama ng peste. Kabilang sa napagkasunduan ng Mangosteen growers at ng pamahalaang panlalawigan ang pagkakaroon ng greenhouse para sa produksyon ng de-kalidad na mangosteen seedlings, malawakang fertilization para sa mabilis na pagyabong ng mga halaman, pagsasanay mula sa mangosteen experts ng UPLB, massive planting at replanting program para sa karagdagang produksyon. Naglabas din ng polisiya para maprotektahan at mapalaganap ang mangosteen Tayabas variety sa lalawigan. Isa pa sa umuunlad na industriya sa lalawigan ay ang Uraro Industry na nanggaling sa Bondoc Peninsula at sagana sa bayan ng Mulanay, Catanauan at General Luna. Ayon sa gobernador ay napakalaki ng demand sa uraro cookies ngunit kinakapos ang raw materials na tutugunan raw ng pamahalaang panlalawigan. Pangunahing hakbang raw na gagawin ng lalawigan kasama ang Southern Luzon State University at mga lokal na pamahalaan ay magtatayo ng sampung (10) ektarya ng Uraro Nursery sa Bondoc Peninsula. MARK VASQUEZ