Ahas na nakapasok sa isang kwarto ng bahay sa Tayabas City, na-rescue
Na-rescue ng mga kawani ng Environment and Natural Resources Office – Tayabas City ang isang ahas na nakapasok sa isang kwarto ng bahay sa SM Ville, Barangay Lita sa Lungsod ng Tayabas kaninang umaga ng September 29.
Isang tawag umano ang natanggap ng opisina ng City ENRO mula sa isang residente na may ahas nakapasok sa kanilang kwarto. Mabilis na rumesponde ang ilang kawani ng naturang tanggapan upang ito ay hulihin.
Maingat na nakuha ang nasabing ahas na napag-alamang isang brown rat snake. Dinala ito sa veterinary office ng kanilang lokal na pamahalaan upang masuri.
Nasa maayos na kondisyon at malusog ang ahas batay sa ginawang pagsusuri at maaari nang ibalik sa kaniyang natural habitat.
Ang brown rat snake ay isang uri ng ahas na hindi makamandag. Ang kinakain nito ay daga at iba pang maliliit na hayop. Ito ay endemic sa isla ng Luzon at kadalasang matatagpuan sa mga gilid ng kagubatan, bukid o bukirin. Ang mga ahas katulad ng Philippine Brown Rat Snake ay may mahalagang papel sa pagbalanse ng ating ekolohiya. Kinokontrol nito ang pagdami ng peste.
Samantala nito lamang Setyembre 17, 2023, isang ahas din ang natagpuan sa isang bahay naman sa Green Valley Subdivision, Brgy. Opias, na itinawag ng isang concerned citizen. Ang nasagip na ahas ay isang uri ng Bronzeback Snake – walang kamandag at hindi delikado. Noong September 6, isang brown rat snake rin ang na-rescue sa isa bahay sa Brgy. Angeles Zone-1.
Patuloy pa rin pinaalalahanan ang publiko na ang pangangaso, pangongolekta, at pagmamay-ari ng kahit anong uri ng buhay-ilang ay may parusa sa ilalim ng Repubic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.