Ancajas aagawin ang bantamweight belt kay Inoue
Walang palalampasing pagkakataon si Filipino challenger Jerwin Ancajas para agawin ang World Boxing Association (WBA) bantamweight belt kay Japanese bantamweight king Takuma Inoue sa laban nila mamayang gabi sa Ryogoku Kokugikan National Sumo Arena sa Tokyo, Japan .
Ayon sa dating IBF junior bantamweight champion, hindi niya sasayangin ang oportunidad oras na makakuha ng magandang opening para pabagsakin ang kampeon.
Hindi niya umano maaaring ibigay sa mga hurado ang desisyon ng kanilang title fight.
“Siyempre hometown nila kaya kailangan natin ng impresibong panalo,” pahayag ng 32-anyos na boksingero.
Lamang ang Pinoy sa karanasan sa record nitong 33-3-2 laban sa 18-1 ng Hapon ngunit sa kabila nito, lumabas na underdog ang Filipino boxer laban sa nakababatang kapatid ni pound-for-pound No. 1 Naoya Inoue.