Ang direktor at mga bida….
Sa mga pelikula, sa main character o sa bida nakatutok ang istorya, ma-aksyon man o madrama siyempre kadalasan ang nagiging takbo nito ay api muna ang bida hanggang sa unti-unti ay babawi,gaganti sa huling bahagi ng pelikula at ang kontrabida naman ang siyang makakaranas ng kalbaryo! Mahuhuli ng mga awtoridad dahil sa ginawang kasamaan o pang aapi at sa bandang huli uli kung hindi man makukulong e magsisi sa kanyang mga nagawang kasalanan. At ang ending sa buhay ng bida ay…and they live happily ever after. Ganda ano! sana ganito rin ang istorya sa totoong buhay lalo sa istorya ng election kung saan pipili tayong mga BIDA sana, ng mga lider na magdadala sa atin sa happily ever after na pamumuhay dahil sa maayos na pamamahala sa gobyerno. May pagkakatulad ang eleksyon at ang pelikula. Dahil sa eleksyon, may aksyon, comedy at drama rin, pero may pagkakaiba rin ang dalawa tulad halimbawa sa ending na lang. Kung may happily ever after man na ending sa pelikula, sa election eh madalas na hindi iyon para sa ating mga bidang manghahalal. Kung magiging pelikula ang eleksyon, ang mga naghahangad na malagay posisyon ang direktor at tayong mga taongbayan ang bida. Sa pelikula nakatutok ang istorya sa bida at hindi sa director. Bagamat sila ang gumagawa ng istorya (mahilig gumawa ng istorya ang mga director sa eleksyon hehehe). Di ba dapat na sa eleksyon, sa ating mga mamamayan dapat nakatutok ang istorya dahil tayo ang bida rito. Sa bandang huli ng kwento ay sa atin dapat binibigkas ng mga mauupo sa pwesto ang katagang… and they live happily ever after! Kaya lang madalang yata ‘yon, kasing dalang nang patak ng ulan sa panahon ng El Niño. Sa pelikula sa una lang naapi ang bida, sa eleksyon sa una pa lang api na agad tayong mga bida. Nagagamit na agad tayong dahilan bago pa lang mag file ng COC dahil sinasabing patakbo sila ng taongbayan, may basbas ng taongbayan, itinutulak o sila ang gusto ng taongbayan! Hahaha. Nakakatawa, iyon ang comedy, na sa bandang huli naman pagnanalo dusa ang aabutin ng taongbayan kaya tuloy hanggang sa huli api ang mga bidang mamamayan! Sa paggawa ng pelikula milyon ang gastos.
Pareho lang sa eleksyon, lalo na kapag mataas ang hinahangad na posisyon! Hindi nga lang nagre reflect sa election expenses na isinusumite sa COMELEC pagkatapos ng eleksyon, hehehe. Pagkatapos ng pelikula at tumabo sa takilya kikita ang prodyuser, director at ang bida. Pagkatapos ng eleksyon, director lang ang kumikita, ambon na lang ang para sa mga bida! May mga pagkakataon din naming nakakabawi ang mga bidang mamamayan. Sa pagpapabaya at pag-abuso ng isang namumuno ay ipinapakita natin ang pagiging bida. Halimbawa ay ang EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION na nagpabagsak sa rehimeng Marcos noong 1986. Ang mga recall elections na nagbawi ng kapangyarihan sa nasa posisyon at iba pang porma nang pagpapakita ng lakas ng taongbayan at paggiit na tayo ang bida sa pelikula ng totoong buhay. Pero hindi dito natatapos, dahil patuloy tayong mga bida sa paghahanap ng direktor na magdadala sa atin sa maunlad na pamayanan, matinong pamahalaan at happily ever after na pamumuhay. Mayroon n’yan. Hanapin mo lang…