News

Animal dispersal program ni Kon. Faller, hindi nakaligtas sa ASF

Nasa 50 na-disperse na inahing baboy ni Konsehal Danilo Faller ang tinamaan ng African Swine Fever.

Sinabi ito ng konsehal sa programang ‘Tambayan’ ng Bandilyo.ph.

Kaugnay nito, tigil muna sa ngayon ang swine dispersal program ng konsehal dahil takot pa ang iba na mag-alaga dahil sa banta ng ASF.

Dagdag ng konsehal, nakatanggap naman ng biyad-pinsala ang mga apektado mula sa Department of Agriculture.

“Meron akong pinaalagaang inahin na nasa 50, karamihan ay sa Brgy. Salinas, ay wala na. Nagbigay ng P5,000 per head, pinabayaan ko na dun sa nag-aalaga. Nakakaawa naman sila ang nagpakapagod. Sabi ko di bale, babawi na lang tayo sa susunod,” ani Konsehal Faller.

Isa ang animal dispersal sa programang pangkabuhayan na ipinagkakaloob ng konsehal sa mga taga-Lucena upang makatulong na may mapagkakitaan.

Sa ilalim ng programang ito, binibigyang ng alagaing-hayop ang mga benepisyaryo na kanilang aalagaan hanggang sa maaaring mabenta.

Sa ngayon, nakatuon muna sa ibang livestock ang programa ng konsehal gaya ng mga manok, kambing at baka.

Ikinatuwa din ng konsehal na hindi sinasayang ng mga benepisyaryo ang pagkakataon na kumita upang makatulong sa pamilya.

“Bigyan mo ng pagkakataon na kumita, talagang nag-aadhika. Talagang sila’y magsisikap at para hindi na laging umaasa, ‘yun ang nakikita ko sa mga pinagpapaalaga ko, talagan sila’y seryoso,” saad ni Konsehal Faller.

Pin It on Pinterest