Anti-Illegal drugs at Anti-Terrorism Formulation isinagawa ng ABKD at KKDAT ng Brgy. 2
Nagsagawa ang mga miyembro ng Ating Barkada Kontra Droga o ABKD at Kabataan Kontra Droga at Terorismo o KKDAT ng Barangay Dos sa Lungsod ng Lucena ng Workshop on Formulation of Anti-Drugs & Anti-Terrorism Programs & Projects for the Year 2023 sa 2nd floor ng Antigua Restaurant nitong Linggo ng gabi, January 8.
Katuwang ng ABKD at KKDAT ang Sangguniang Kabataan sa lugar sa naturang aktibidad.
Ayon kay SK Chairman John Angelo Buñag, sa pamamagitan ng pagtitipon na ito ng mga kabataan ay mahahasa sila kung paano mamuno bilang isang lider-kabataan sa komunidad at ano ang mga dapat na ipatupad na proyekto at programa para sa kanila.
“Dito ay mahalaga na mapag-usapan ‘yung ating mga pinaplanong proyekto at programa para sa mga kabataan ng Barangay Dos kung saan ating hinahayaan na manguna sa mga ganitong klase ng pagtitipon ‘yung ating kabataan mismo ng Brgy. 2,” sabi ni Buñag.
Layunin aniya ng aktibidad na mabigyan ng kaalaman ang mga kabataan patungkol sa masamang dulot ng ilegal na droga sa katawan na sumisira sa kinabukasan ng mga gumagamit nito at kung paano hindi mahihikayat ng mapanlinlang na propaganda ng Communist Terrorist Groups.
“Ang number 1 focus natin dito is ‘yung ating Anti-Drugs & Anti-Terrorism Awareness so kung saan gusto nating mas paigtingin pa ‘yung ating mga programa sa ating barangay patungkol sa ating Anti-Drugs & Anti-Terrorism,” saad ni Buñag.
Ayon naman sa KKDAT President ng Brgy. Dos na si Daniel Angelo Buñag, mahalaga raw ang partisipasyon ng mga kabataan sa mga aktibidad ng isang lider-kabataan upang magkakaroon sila ng dagdag kaalaman.
“Importante po dahil kung ang isang kabataan po ay malululong po sa ibang bisyo ay hindi po dapat po nagagawa ‘yun ng isang kabataan kaya dapat po ay lahat po ng kabataan ay sumasali po sa mga ganitong aktibidad o mga organisasyon para makaiwas po sa ganong pangyayari sa kanilang mga buhay,” sabi ni Buñag.
Sinabi naman ng ABKD President ng Brgy. Dos na si Rowel Jun Javier, kailangang paigtingin ang pagbibigay ng pagkakaabalahan o pangkabuhayan, skills development, edukasyon para sa mamamayan lalo na sa mga kabataan upang mailayo ang mga ito sa impluwensiya ng droga.
“Nagkakaroon po kami ng activities regarding po sa mga about sa drugs tulad po ng then magkakaroon din po kami ng parang yung nagbibigay ng awareness sa mga kabataan po para mabigyan po sila kaalaman about sa masasamang epekto ng droga,” ani Buñag.
Dumalo sa aktibidad si Kap. Enrico Delos Rios kasama ang ilang opisyal ng barangay. Naging panauhing bisita si PSSG Ana Paral, City Anti-Drug Abuse Office Francia Malabanan.
Mas paiigtingin pa daw ng Barangay at SK ang kampanya laban sa iligal na droga at terorismo.