News

Antipolo City, Rizal mas pinaigting ang one-stop shop para sa mga negosyante

Mas pinaigting ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo ang isinasagawang Business One-Stop Shop na nagsimula noong 03 Enero 2018 sa Antipolo City Hall Parking Grounds. Nagsisimula ang operasyon ng one-stop shop alas-otso ng umaga at nagtatagal hangga’t mayroon pa rin nakapilang business taxpayers. Ayon kay Antipolo City Mayor Jun Ynares, tatapatan ng pamahalaang lungsod ang dami ng tao sa pagpapaunlad ng mga hakbang ng mga programa nito para mabigyan ng mabilis at maayos na serbisyo ang mga mamamayan. Bukod dito, ginagamit anya ang bawat buwis na nakokolekta sa pagpapatuloy at pagpapaunlad ng mga programa at imprastaktura sa Antipolo City. Bilang patunay ng pagkakaroon ng “government efficiency” at ng pagiging 2017 Most Competitive Component City sa buong bansa, mas tinutukan ng lokal na pamahalaan ng Antipolo ang BOSS 2018 sa pagpapatupad ng mga istratehiya katulad ng “3-Steps, One-day Processing Strategy” ng business permit renewal gayundin ang one-time payment at pag-alis ng pre-printed forms. Ipinatupad din ang “single entry – single exit” para sa mga businesss owners at mga kawani upang maiwasan ang pagkakaroon ng gulo sa pagpasok at paglabas ng gusali.

Malaking ginhawa rin sa mga taxpayers ang paglagay ng LED TV sa waiting area at pagbibigay ng libreng tubig, kape, snacks, masahe, manicure at pedicure, habang inaasikaso nila ang kanilang mga papeles. Nakapagtala naman ng 17 porsiyentong pagtaas sa business tax collection ang Pamahalaang Lungsod mula 2016 hanggang 2017 o mahigit 273 milyong piso gayundin ang 8 porsiyentong pag-angat ng bilang ng mga business registrants. Inaasahan namang mas tataas ang kolekta ngayong 2018.

Pin It on Pinterest