Bakawan Gagawing Atraksyon sa Lungsod ng Lucena
Planong i-develop ng Office of the City Planning and Development Coordinator ng lungsod ng Lucena ang mga bakawan bilang atraksyon o pasyalan.
Ayon kay Julieta Aparicio, malawak ang mangrove area ng lungsod at maganda itong maging atraksyon dahil marami ditong iba’t-ibang klase ng ibon at puno na maaari din magdagdag ng kaalaman sa mga bibisita.
“so, it could be not only an area for relaxation, it could also be an area for education, so marami po silang pwedeng matutunan din doon,” sabi ni Aparicio.
May dalawang lugar daw silang tinitingnan sa eco-tourism development na ito na ang isa ay nasa may bahagi ng TalaoTalao – Mayao Parada – Mayao Castillo at ang isa pa ay nasa may bahagi ng Ransohan – Salinas – Ibabang Iyam.
Dito daw maganda itong isagawa dahil dito may magandang ilog at malawak na mangrove area.
Sinisiguro naman ni Aparicio na maproproteksyunan ang lugar na pagtatayuan ng mga atraksyon upang mapapanatili ang ganda nito.
“Tandaan po natin na kapag eco-tourism project po yan, ‘yung kapaligiran ‘yung ibinibenta o iniaalok natin sa mamamasyal dito, so kaya pangunahing po dun ang pagpreserve ng lugar,” saad ni Aparicio.