News

Barangay Dalahican, tinanghal na Lucena VIP ka Program best implementer

Para sa buwan ng Mayo ng taong kasalukuan, tinanghal bilang best implementer ng VIP Ka Program ng Lokal na Pamahalaan ng Lucena City ang Barangay Dalahican para sa big barangay category.

Ayon kay Kapitan Roderick Macinas, ang pagkilalang ito mula sa LGU ay sumasalamin sa good governance na ipinatutupad sa kanilang komunidad ng buong pamunuan ng Sangguniang Barangay ng Dalahican kung saan prayoridad ang kapakanan ng kanilang mamamayan nang walang pinipili, pantay- pantay ang binibigay na serbisyo-publiko.

“So nandiyan ‘yung transparency natin, ‘yung accommodation sa mga constituents ‘yung lahat kung paano ma-satisfied ang ating mga constituents pagdating sa serbisyo sa atin sa barangay hindi lang sa loob ng opisina, pati ‘yung programa,” sabi ni Kap. Roderick Macinas.

Sabi ng ilang residente na dumudulog sa barangay hall para sa iba’t ibang pangangailangan at pakay gaya ni Jenalyn na humihingi ng medical assistance noong oras na iyon, maayos naman ang pakikitungo ng mga barangay staff at natutugunan kahit paano ang kanilang pangangailangan.

“Sa totoo lang po maayos tsaka po ‘yung mga taga-barangay namin dito ay ina-assist nila tsaka naibibibay naman ‘yung tulong na pinansyal o tulong na gamot na kinakailangan,” sabi ni Jenalyn.

“Bawat lapit ng mamamayan natin dito sa ating opisina ay nabibigyan natin ng katugunan ‘yung kanilang pangangailangan sa mas lalong mabilis at madaling panahon ay naiibigay natin ang tamang serbisyo para sa kanila,” ani Kap. Macinas.

Sabi ni Macinas, ang pagkilalang ito ay mas makakadagdag ng motibasyon sa kanila na mga lingkod-bayan ng Barangay Dalahican para sa higit na pagpapabuti ng serbisyo-publiko sa kanilang nasasakupan. Pinasalamatan ng opisyal ang lahat ng kawani ng kanilang pamahalaang lokal sa dedikasyon sa kanilang mga gampanin.

“Mula po nang tayo nanungkulan ay tinatrabaho na po natin ‘yan. Dapat pong ibigay sa mamamayan ang ganitong serbisyo para naman po kahit papaano po satisfied,” saad ni Kap. Macinas.

Samantala bukod sa barangay na ito, ilan pang barangay sa siyudad ang tumanggap din ng plake para sa naturang programa.

Noong nakaraang flag-raising ceremony ng pamahalaang lokal, tinanggap ng punong barangay ang nasabing pagkilala mula mismo kay Lucena City Mayor Mark Alcala.

Ang VIP Ka Program ay ipinatupad buhat nang maging ama ng siyudad ang batang alkalde na layong itrato nang pantay-pantay at may paggalang ang lahat ng mangtutungo sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan kung saan sa Lucena ay VIP ka, walang mahirap, walang mayaman.

Bagay na dapat ding ipakita ng mga opisina ng buong barangay ng Lucena.

Pin It on Pinterest