Barangay hall ng Barangay 8, Lucena City solar power operated na
Malaki ang naitipid ng pamahalaang barangay ng Barangay 8 sa Lucena City buhat ng gumamit sila ng solar power para sa mga de-kuryenteng kagamitan sa kanilang barangay hall.
Ang barangay hall ng Barangay Otso ay solar power operated na buhat pa noong mga nakaraang taon na layuning makatipid sa bayarin ng elektrisidad ang kanilang pamahalaang barangay sa mahabang panahon.
“’Yan ay napag-isipan ko ngayon ay almost 3 years na kaming gumagamit ng solar panel na source of electricity namin dito sa barangay. Ang aming natitipid ay malaking halaga rin,” ani Kapitan Amadeo Suarez.
Kung noong una umaabot raw ng nasa P12,000 ang buwanang bayarin sa nakokonsumong kuryente ng kanilang pamahalaang barangay, ngayon raw buhat magpakabit sila ng solar panel umaabot na lamang ng nasa limang libo piso o mababa pa ang kanilang binabayaran. Ang naititipid, inilalaan daw sa ibang programa.
“Sa ibang proyekto naman mapunta o mapaglaanan namin ‘yung sobra o natipid namin,” saad ni Kapitan Suarez.
Mula sa pondo ng barangay, bumili sila ng solar panel bilang source of electricity ng kanilang barangay hall, sabi ni Kapitan Amadeo. Bagama’t may kamahalan, pang mahabang panahon naman itong mapapakinabangan.
Sa mga susunod na panahon, ayon kay Kapitan Suarez, plano na rin daw na dagdagan at gawing solar street light ang mga ilaw sa iba’t ibang purok ng kanilang komunidad.
“Mag-a-additional pa ako ng another solar panel para naman doon sa ibang aming street light na pagagamitan namin”.
Sa ngayon ang buong barangay hall at daycare center building nila at ilan pa ang naseserbisyohan pa lang ng kanilang solar panel.
Pangarap at plano ng kapitan na sa mga susunod na panahon na lahat ng kagamitan ng barangay ay maging solar power operated.
“Pinaplano ko pa rin po in the near future kami ay hindi na gagamit ng electricity from Meralco. Kami na po ‘yung magiging independent na from the solar panel,” sabi ni Kapitan Suarez.
Hindi lang daw para makatipid, isa sa tiningnan ng opisyal sa pagamit ng solar energy ay ang hindi pagkabalam ng transaksyon sa barangay sakali man na magkaroong power interruption.
Sabi ni Kapitan Suarez sa pagtakbo ng makabaong panahon at makabagong sistema sa mga bagay-bagay kailangan daw sumabay para sa higit pagpapabuting ng serbisyo publiko.
“Hindi naman po sa pag-aano ay futuristic po ang aking pananaw sa pagiging isang kapitan”.