Baril at 600k na halaga ng shabu, nasabat sa buy-bust operation sa Lucban, Quezon
Sa pinagsamang pwersa ng Lucban Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Quezon, timbog sa isang buy-bust operation ang dalawang suspek matapos mahulihan ng mahigit P600,000 halaga ng ilegal na droga at baril, tanghali nitong Disyembre 21, 2022.
Ayon kay PCol Ledon Monte, Provincial Direktor ng Quezon PPO, ang mga suspek ay kinilalang sina Kirby Cris Remolana, 37 taong gulang, nakatira sa Sitio Spring, Bgy. May-it, Lucban, Quezon at Joel Venzuela, 46 taong gulang at residente ng Viray Compound, Barangay Ayuti, Lucban, Quezon.
Higit-kumulang 30.22 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na P616,488 ang nakumpiska mula sa mga suspek nang maganap ang naturang operasyon sa Feeder Road, Sitio Ilaya, Barangay Manasa, Lucban, Quezon.
Kabilang sa mga ebidensyang nakuha sa mga suspek ang tatlong piraso ng P1,000 bill (marked money), isang pirasong card case na kulay pula, pitong pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang back pack na kulay violet na naglalaman ng Colt AR-15 Cal.9mm firearm na may magazine at pitong live ammunition at isang motorsiklo na kulay puti.
Matapos ng pag-imbentaryo, dinala ang suspek sa custodial facility ng Lucban Municipal Police Station para sa tamang disposisyon at dokumentasyon.
Sila ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.