News

Batangas PHO nakiisa sa pagdiriwang ng Nutrition Month

Isinusulong ng Provincial Health Office ang masustansyang pagkain bilang bahagi ng pagdiriwang ng Nutrition Month sa buwang ito. Ayon kay Cynthia Lacaba, Nutrition Officer IV may limang susi para sa isang masustansyang pagkain; (1) pagbibigay ng gatas ng ina para sa mga sanggol sa unang anim na buwan nito;(2) pagkain ng iba’t-ibang uri ng pagkain; (3) pagkain ng mga gulay at prutas na mainam para sa katawan;(4) pagkonsumo ng katamtamang dami ng fats/oil sa pagkain at (5) pagbabawas ng pagkain ng maalat o maraming asin.

Sinabi naman ni Digna Ilustre isang Dietician na dapat laging tandaan ang tatlong mahahalagang grupo ng pagkain na simula pa lamang sa elementarya ay sinisimulan ng ituro sa ating mga paaralan. Ang Go foods ay mayaman sa carbohydrates, ang grow foods ay mayaman sa protina at ang glow foods ay mga gulay at prutas na mayaman sa mineral.

Kaugnay pa ng pagdiriwang magkakaroon ng cook-off contest sa bawat distrito kung saan magluluto ng mga pagkain na masustansya at kailangang base sa ampalaya. Ang ampalaya ay isang gulay na malimit ay hindi kinakain lalo na ng mga kabataan dahil sa mapait na lasa nito. Nakatakdang gawin ang cook off sa ngayong araw, Hulyo 11 sa bayan ng Calaca para sa unang distrito; Hulyo 12 sa bayan ng Mabini para sa ikalawang Distrito; Hulyo 18 sa bayan ng Agoncillo para sa ikatlong distrito at ikaapat ay sa Hulyo 19 sa bayan ng Padre Garcia. Ang mananalo sa paligsahan sa distrito ay siyang magiging kabahagi ng grand cooking challenge sa huling lingo ng Hulyo.

Pin It on Pinterest