Batangas Province nagpalabas ng anunsyo ukol sa bird flu
Nagpalabas ng abiso ang Office of the Provincial Veterinarian ng Lalawigan Batangas ukol sa outbreak ng Avian Influenza virus o Bird Flu sa bayan ng San Luis, Pampanga na pumatay ng nasa 37,000 mahigit ng poultry livestock. Ayon sa pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ito ay bilang pagtalima sa abiso ng Department of Agriculture ay ipinagbabawal ang pagpasok ng anumang produkto mula sa mga poultry farms na manggagaling sa Northern Luzon. Ipinag-utos din ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas na dapat ay i-disinfect ang lahat ng nagdadala ng anumang livestock at pakain sa mga ito sa mga inspection checkpoint sa lalawigan. Base naman sa Provincial Ordinance No. 006, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasama-sama ng mga manok, itik at iba pang livestock sa iisang kulungan.
Inatasan din ng Panlalawigang pamahalaan ng Batangas ang mga Municipal at City Veteriniarians, Agriculturist at Agri Officers maging ang nasa pribadong sektor sa pag-hahayupan at backyard farmers na i-report agad sa kanilang opisina ang anumang kakaibang mortalidad o pagkamatay ng kanilang mga inaalagaang hayop. Para sa mga komersyal na operasyon ay kailangang iulat kung nangamatay sa di malamang dahilan ang tatlong porsyento ng kanilang kabuuan populasyon at dodoble o higit pa sa kasunod na tatlong araw. Sa mga backyard poultry raisers naman ay kapag may namatay na dalawa o higit pa sa loob ng dalawang araw ay kailangang i-report agad sa otoridad.