News

Bawas presyo ng produktong petrolyo, ikinagalak ng mga jeepney driver sa Lucena City

Ikinatuwa ng mga jeepney driver ang panibagong bawas presyo sa produktong petrolyo nitong Martes.

Ito na kasi ang ikatlong linggong sunod na may rollback sa presyo ng diesel habang ikalawang linggong sunod naman na may rollback sa presyo ng gasolina.

Ayon sa mga tsuper sa Lungsod ng Lucena, malaking tulong ang P1.30 na bawas sa kada litro ng diesel.

“Syempre naman pag mataas ang diesel wala halos kinikita eh katulad ngayon kahapon kinikita ko lang P800 diesel ko ay nasa halos P600 ‘di talo”, sabi ni Emel.

“Opo kasi yun yung pagkakataon namin para kumita eh”, ayon kay Manolo.

Kung susumahin kasi, sa loob ng tatlong linggo ay P3.25 kada litro na rin ang nabawas sa presyo ng diesel.

Paliwanag ng mga tsuper, mas ginaganahan sila ngayong bumiyahe, nais kasi nilang samantalahin ang pagkakataon para kumita.

“Oo naman kasi talagang napakalaki talaga ng itinaas noon pa man pag sila naman ay nagtaas naman kumpara sa ibinababa nilang pasala-salapi bentesingko eh pagtumaas naman piso, dalawang piso o lima kaya kulang at kulang pa rin ang ibinababa nilang yan”, pahayag ni Noel.

“Oo naman mataas ang bilihin eh syempre kailangang samantalahin na.”

Umaasa silang masusundan pa ang bawas presyo sa produktong petrolyo sa mga susunod na linggo.

Pin It on Pinterest