Bayan ng Pagbilao nagsagawa ng training para sa CBMS Coordinators
Nagsagawa kamakailan ng training para sa coordinators ng Community Based Monitoring System o CBMS para sa mas realistikong impormasyon na kailangang makuha sa pagpapaganda ng serbisyo sa pamahalaan sa bayan ng Pagbilao, Lalawigan ng Quezon. Pinangunahan ang seminar na ginawa sa bayan ng mga Local Government Operations Officers mula sa lokal na sangay ng Department of the Interior and Local Government o DILG. Ibinahagi ng mga ito sa mga magiging coordinators sa bawat barangay ng bayan ang mga kailangan nilang malaman at makalap na impormasyon upang magamit naman ito ng mga namumuno at makapag-pormula ng mas epektibong serbisyo publiko. Nagpahatid din ng suporta si Pagbilao Mayor Shierre Ann Palicpic sa pagsasalita nito sa isinagawag training sa kanyang bayan.
Ang CBMS o Community Based Monitoring System ay sistemang ini-adopt ng pamahalaan upang makita ang antas ng kahirapan sa bansa ng mas realistiko dahil hanggang sa kasulok-sulukan ng mga barangay ay nakakaabot ang mga CBMS coordinators. Inaalam sa monitoring system na ito ang iba’t ibang dahilan kung bakit naghihirap, gaano kahirap ang mga ito at mga lugar kung saan sila naroroon. Inaalam din ang iba’t ibang aspeto ng buhay ng mga coordinators mula sa kalusugan, tahanan, access sa tubig at basic education, uri ng trabaho maging ang peace and order situation sa isang partikular na lugar. Base naman sa mga nakalap na impormasyong ito ay makakabuo ng mas epektibong solusyon ang pamahalaan sa paglaban sa kahirapan.