BFP Patuloy ang mga Gagawing Aktibidades at Pagbibigay Serbisyo para sa Mamamayan ng Quezon
Tuloy-tuloy ang mga gagawing aktibidades at pagbibigay serbisyo sa mamamayan ng mga kawani ng BFP Quezon.
Ito ang pahayag ni Supt. Rowena Hernandez Gollod, Provincial Fire Director, Quezon Bureau of Fire Protection sa programang ‘Usapang Tapat ni Manong Nick’.
Ayon kay Gollod mayroon silang mga parating na aktibidades gaya na lamang ng Oplan para sa darating na kapaskuhan at ‘Oplan: Iwas Paputok’. Hindi magsasawa aniya ang mga bumbero na magbigay paalala sa mga mamamayan sa darating na bagong taon upang maiwasan ang disgrasya.
“Hindi po kami magsasawa ang inyo pong mga bumbero ay hindi magsasawa magpaalala para sa ating mamamayan ukol sa pagsapit ng bagong taon kung paano natin maiiwasan ang disgrasya para naman di natin marami na ho tayong masyadong disgrasyang kinakaharap ‘wag na po nating dagdagan,” ayon kay Gollod.
Dagdag pa ng Provincial Fire Director na katulong na rin sila ng mga LGU’s sa pagbibigay bakuna sa mga tao. Ito’y upang mapabilis aniya ang pagtupad sa pinag-uutos ng Pangulo na mabakunahan ang mga mamamayan sa lalong madaling panahon.
“Ngayong panahon ng pandemya kami po ay kasama na ng LGU ng ating mga LGU para po sa pagbabakuna para po mas mabilis natin ma-accomplish yung atin pong pinag-uutos ng ating pangulo na mabakunahan ang ating mga kababayan sa mas madaling panahon,” ayon kay Gollod.
Sinabi naman ni Gollod na patuloy nilang hinihikayat ang mga nais na sumunod sa kanilang ginagawa. Tuloy-tuloy parin aniya ang kanilang ginagawang recruitment para sa mga nais maging bumbero sa ating bansa.
Patuloy lang daw abangan ang mga ilalabas nilang update sa kanilang FB Page kung kailan ulit sila magrerecruit.