Biñan City hindi nahirapan maging lone district – Mayor Arman Dimaguila
Hindi nahirapan ang lungsod ng Biñan sa pagiging lone congressional district, ayon kay Mayor Walfredo “Arman” Dimaguila Jr.
Kinailangan lang daw ihanda ng lokal na pamahalaan ng Biñan ay ang draft ng house bill at representasyon sa kongreso at senado.
“Madali lang siya. In fact, ang kailangan lang dito is of course ‘yung carefully drafted na House Bill, tapos representation sa chairman ng Committe on Local Government sa lower chamber, sa House at saka sa Senate,” ani Dimaguila.
Wala naman nakikitang problema ang punong lungsod ng Biñan sa sitwasyon ng lungsod ng Lucena dahil anya ang sitting congressman na nakakasakop sa segunda distrito ng Quezon ay nakatira sa bayan ng Tiaong.
Maaari anyang humiwalay ang Lucena at magkaroon ng sarili nitong representasyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Tiaong, oh kung kanya naman ‘yung lima eh di puwedeng magkaroon ng sarili ang Lucena,” sabi ni Dimaguila.
Ang Biñan City ng lalawigan ng Laguna ay naging lone district noong taong 2015 nang pirmahan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang RA 10658 noong ika-27 ng Marso.