News

Biro at tila kantiyaw sa mga kasamahan sa privilege speech ni Konsehal Manong Nick Pedro, nauwi sa tawanan

“Greetings po Konsehal Jacinto ‘Boy’ Jaca – ang pinakamatanda sa kapulungan”.

Biro at tila pangangantiyaw sa edad ng ilang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena ang narinig sa kapulungan. Tawanan ang miyembro sa pabirong pambungad na pagbati ni Konsehal Nicanor ‘Manong Nick’ Pedro Jr. sa kanyang privilege speech patungkol sa mga nakakatandang sektor.

Mga TSP kami o mga Taga Kami sa Panahon ang pamagat ng pribilehiyong pananalita ni Manong Nick na tumutukoy sa pagdiriwang o selebrasyon ng Elderly Filipino Week.

Sabi ni Manong Nick, bakit nga ba raw nakakatuwang pagbiruan ang edad ng isang tao?

“Wala namang masama siguro lalo na kung wala namang intensyong mang-insulto! O mang-maliit kaya!,” saad ni Konsehal Pedro.

Sa mga naging pabiro at tila kantiyaw sa mga mga kasamahan sa konsehao, seryosong bangit ng Konsehal, sa totoo lang daw masuswerte pa nga ang mga matatanda.

“Matagal na naging kapaki-pakinabang sa pamilya, kapwa at bayan. Matagal na nakasama ang mga mahal niya sa buhay – pamilya at mga kaibigan – at matagal ding kapaki-pakinabang sa piniling paglingkuran ng sarili – propesyon, public service, advocacies at mga iba pang pinaniniwalaang karapatdapat o kailangang ipaglaban kaya!,” ani Konsehal Pedro.

Sabi ni Manong Nick, hindi raw matatawaran ang Taga sa Panahon ng Elderly Sector, sinanay ng panahon sa karanasan. May mga dinanas na aral ng buhay na maibabahagi sa kabataan. Makapagdadagdag ng kaalaman sa natututunan sa paaralan. Makakapagdagdag ng kaalaman sa pagpapabuti pa sa mga unang tuklas. Makakagabay para sa ibayo pang pagpapakatao sa lipunan – para sa pag-ibig, pagmamahal, at pagmamalasakit sa kapwa, lalo na sa Diyos ng sangkatauhan.

Pin It on Pinterest