Blood Donors Forum para sa ligtas at malinis na dugo
Bilang tugon sa mga usapin ng boluntaryong pagbibigay ng dugo, isang forum ang isinagawa sa Provincial Auditorium, Capitol Site sa Batangas City kamakailan. Sa pangunguna ng Batangas Blood Council at Provincial Health Office, nagkaroon ng talakayan ng mga prosesong nakapaloob sa voluntary blood services. Tinalakay ni Dr. Rodelio Lim ng St. Luke’s Medical Center ang rational blood use kung saan ipinaliwanag nito ang mga hakbang sa tamang storage at transfusion ng dugo.
Binigyang-diin naman ni Dr. Paulo Belen, isang Laboratory Quality Assurance Officer, ang Concepts in Transfusion Safety, ang pagtalakay tungkol sa mga gabay para masiguro na ang mga dugong mula sa voluntary blood services ay ligtas at maayos na nakatago sa mga blood facilities. Naging tampok din sa forum ang rules and regulations in licensing blood na ipinaliwanag ni Dr. Marpe Viray, Medical Officer III mula sa Department of Health (DOH) Regional Health Office. Detalyadong iniisa-isa ni Dr. Viray ang mga importanteng batas na nagtatalaga ng blood facilities bilang gabay sa mga ospital at private institutions.