Boss nyo rin!
Ang problema sa mga palaboy, gagalagalang may diprensya sa isip, mga may kapansanan na halos tumitira na sa kalye, ay isang mahirap at tila paulit-ulit lang na suliraning nangyayari na hindi malutas ng Local Government Units. Tinik ito sa lalamunan ng mga local social welfare officers. Sila ang nasisisi at lagging may kasalanan sa kalagayang ito. Pero paano nga ba kung walang lokal na pasilidad para sa mga kaawa-awang nilalang? Ang kukunin sa kalye, babalik ulit sa kalye! Kung kanta lang, maganda sanang may “refrain.” Itatanggi marahil ng ilang LGUs, pero may ulat sa bara-bara at hindi makataong solusyon sa problema – itapon sa ibang bayan ang mga taong kalye! Parang iniligaw na pusa! Pasensya na sa paglalarawan, pero ito ang malapit at malupit na katotohanan. Maiintindihan namin ang halimbawa’y kawalang kakayahan ng lokal na pamahalaan para magtayo at magmantine ng kailangang pasilidad. Ang hindi namin maiintindihan kung walang gagawin at hahayaan na lang! Wala bang malinaw na polisiya sa DSWD, sa ganitong kalagayan? Halimbawa’y sa pagdadalhan sa kamaynilaan na siguradong may minamantineng pasilidad? Tiyak na may kakayahan naman sa transportasyon ang local social welfare office para maihatid ang mga kapus palad ng lansangan. Iminumungkahi namin sa Sangguniang Panglungsod o Sangguniang Bayan ang mabilis na pakikipag-ugnayan at dayalogo sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development ni Sec. Dinky Soliman para malinawan ang polisiya dito ng departamento. Kung wala pa, ay mabilis na makabuo sa paguusap ng epektibong operational procedure sa referral na magagawa ng may kakayanan ng Local Government Units. Lagyan ito ng ngipin sa bisa ng isang ordinansa para walang turuan ng responsibilidad, pero tapatan din ng pondo at kaukulang administrative penalty, multa o sanction sa responsable sa pagpapatupad. Kahit palaboy, boss din sila ni PNOY at boss nyo rin, di ba? Puwes, alisin sila sa kalye, alagaan at ibalik ang nawaglit na dignidad.