News

Brgy. 5, namahagi ng ‘Pamaskong Handog’ sa mga senior citizens

Sinimulan na ng Sangguniang Barangay ng Barangay 5 sa Lungsod ng Lucena ang pamamahagi ng Pamaskong Handog para sa mga senior citizens ngayong araw ng Linggo, December 18.

Ayon kay Kapitan Eduard Sy Bang, nasa 150 na mga nakatatanda sa lugar ang nakatanggap ng kanilang Pamaskong Handog mula sa Sangguniang Barangay na ipinagkaloob ni Governor Dra. Helen Tan.

“150 ‘yun ay galing sa ating Governor Helen Tan at ngayon ay ating ipinamigay,” sabi ni Sy Bang.

Kada grocery packs ay naglalaman ng bihon, suka, toyo, biscuit, kape at iba pa.

Maliban dito, tumanggap rin ang mga ito ng P100 mula kay Kagawad Juliet Sy Bang bilang papasko sa mga lolo at lola.

Mainam daw sa panahong ito ang ipinagkaloob nilang grocery packs dahil kahit papaano ay may pagsasalu-saluhan ang bawat pamilya sa noche buena lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Tamang-tama ‘yon siguro sa kanila para sa kanilang noche buena. Ang layunin ng barangay ngayon lalong-lalo na ay sasapit ngayon ang ating Pasko ay sana lahat ng pamilya dito sa Brgy. 5 sa lahat sa Lalawigan ng Quezon ay mayroong mapagsalu-saluhan na noche Buena,” saad ni Sy Bang.

Sinabi ni Sy Bang, taun taon raw silang nagkakaloob ng gift giving sa mga senior citizens sa nasasakupan at bilang pagkilala na rin sa mga ito dahil sa naitulong at kontribusyon ng mga matatanda tungo sa pinakaaasam ng lahat na pag-unlad ng isang komunidad.

“Yan nga ‘yung palagi nating inuuna ‘yung mga senior citizen para ho naman sila ay magkaroon ng ayuda para sa darating na Pasko,” dagdag ni Sy Bang.

Pin It on Pinterest