News

Brgy. Ilayang Dupay, tinututukan ang edukasyon

Tinututukan ng Brgy. Ilayang Dupay sa Lungsod ng Lucena ang edukasyon. Ito ang sinabi ni Ilayang Dupay Kapitan Alex Abadilla, at sa tulong pa anya ng lokal na pamahalaan, patuloy na lumalaki ang Lucena City National High School Ilayang Dupay Extension na itinatag noong 2015.

Ayon pa kay Abadilla, malaki ang naitutulong sa mamamayan ng barangay nang magkaroon ng high school sa kanilang lugar.

“Ang iniisip lang kasi namin, kung lalayo pa ‘yong mga bata rito sa layo ng Lucena City National High School kasi sa Ibabang Dupay pa sa Red-V ang mga bata ay lumaabas alas-siyete ng gabi, isang jeep may mga nakasabit delikado sa kanila na pagdating dito mag-uuwian pa sa mga kanya-kanyang bahay manunuot pa sa mga gubat-gubat kasi hindi naman magkakalapit bahay,” pahayag ng kapitan.

Sa ngayon, mayroon ng 150 mag-aaral at siyam na guro sa pangsekundaryang paaralan gamit ang temporary classrooms.

Bukod sa high school, gagawin ding day care center ayon pa sa kapitan ang dating barangay hall at paiigtingin ang pagtuturo sa mga out of school youth at may mga kapansanan sa pamamagitan ng Alternative Learning System o ALS.

Ikinatuwa naman ni Konsehal Nicanor Manong Nick Perdro Jr ang gagawing paglipat ng day care center na malayo sa kalsada upang matiyak ang kaligtasan ng mga batang papasok doon.

Mapapanood ang iba pang detalye sa panayam ng mga opisyales ng Barangay Ilayang Dupay sa Bandilyo TV at mapakikinggan din sa 89.3 FM Max Radio sa Sabado 5:30 ng umaga.

Pin It on Pinterest