Brgy. Marketview Makakamit Na Ang Pagiging Drug-Cleared Barangay
Idinaos ang pagpupulong ng Barangay Anti-Drug Abuse Council o BADAC sa pangunguna ni BADAC Chairperson / Punong Barangay Edwin Napule sa BMV 3 Child Development Center.
Tinalakay niya sa mga kasapi ng konseho ang ilang pangunahing aktibidad para sa 2022 tulad ng Barangay sa Purok o ang pagbaba ng mga kasapi ng BADAC at Cluster Leaders sa walong purok ng barangay upang mas maipaliwanag ang mga programa at proyekto ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
“’Yun pong mga accomplishment po natin for the year 2021 at ‘yun pong plano natin for the year 2022 at ‘yun pong preparation namin pagdating po sa drug free.”
Naging panauhin sa pagpupulong sina Lucena City PNP- PCAD, PNCO PSSG Ana Paral; Lucena City Anti-Drug Abuse Office o LCADAO Coordinator Ms. Annie Jane Lopez; at LCADAO Operation Head Francia Malabanan.
Tinalakay ni PSSG Paral ang patuloy na paghahanda para sa drug clearing operation habang binigyang pansin naman ni Ms. Malabanan ang pagsasailalim sa intervention program ng mga Person Who Used Drugs o PWUDs na nakalaya na.
Ibinahagi naman ni Chairperson – Committee on Advocacy Kgd. Janinne S. Napule ang mga Recovering PWUDs ng barangay na naging benepisyaryo ng iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Labor and Employement o DOLE, Department of Trade and Industry o DTI, at Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Aniya, tuloy-tuloy naman ang monitoring sa mga tumanggap ng livelihood program. Patuloy din umanong nakikipag-ugnayan ang Pamahalaang Panlungsod ng Lucena sa pangunguna ni Mayor Roderick A. Alcala sa pamamagitan ng CADAO, City Social Welfare and Development o CSWDO, at City Public Employment Service Office o PESO sa pakikipag-ugnayan sa mga nasyunal na ahensya upang mapasailalim ang mga RPWUDS sa iba’t ibang programa para sa kanilang tuluyang pagbabagong buhay.
“Meron po tayong livelihood program lahat po ng intervention ng kaukulang panuntunan para po sa mga surrenderers natin ay patuloy po nating ginagampanan bagama’t hindi po natin kayang ibigay lalo na po yung livelihood project dahil very limited po yung mga ibinibigay dahil tayo po ay umaasa rin sa iba’t ibang tanggapang nasyunal kagaya po ng DOLE kagaya po ng DSWD and we are very thankful for City Anti-Drug Abuse Council and the Philippine National Police sa PESO at the same time ay sa initiative po ng ating Youth Ambassador Kuya Mark Alcala, ni Mayor Dondon Alcala.”