Cebu, nagpasa ng ordinansa para sa regulasyon ng proyekto sa nasasakupan
Hindi na maaaring magpatupad ang mga national government agencies ng mga patakaran at proyekto sa Cebu Province nang walang paunang koordinasyon sa pamahalaang panlalawigan.
Ito ay matapos mapagtibay ng Sangguniang Panlalawigan nitong nakaraang linggo ang Ordinance No. 2023-02 na nagpapatupad ng mga probisyon ng Local Government Code sa pagsasagawa ng “periodic consultations” sa mga local government units (LGUs) at ibang kinauukulang sector ng komunidad bago ang pagpapatupad ng anumang programa o mga proyekto sa kanilang mga nasasakupan.
Ang mga probisyong ito ay nagtatakda sa mga pambansang tanggapan at ahensya na makipag-ugnayan sa mga LGU sa pagpapatupad ng proyekto pati na rin tiyakin ang kanilang partisipasyon sa pagpaplano at implementasyon.
Naipasa ang ordinansa kasunod ng pagtatalo nina Gov. Gwendolyn Garcia at Bureau of Animal Industry (BAI) sa pagmamahala ng African swine fever (ASF) at iba pang sakit ng baboy sa lalawigan.
Samantala, may kaparehong batas na ipinasa din ang lungsod ng Lucena. Ito ang Ordinance No. 2815 na nag-aatas sa mga contractor ng mga government public works and project ng koordinasyon at konsultasyon sa pamahalaang panlungsod bago ang implementasyon nito.
Mainit na naging usapin ang ordinansang ito matapos punahin ito ni Quezon 2nd Dist. Board Member Bong Talabong dahil sa aniya sa pagkakaroon ng ‘encroachment ‘ nito o panghihimasok sa pamahalaang panlalawigan.
Ngunit ayon naman kay Lucena City Councilor Nicanor “Manong Nick” Pedro layon lamang ng ordinansa ang proper coordination at consultation sa city government para sa maayos na implementasyon ng proyekto.
Hindi aniya ito encroachment kung hindi pagpapatupad lamang sa karapatan at kapangyarihan sa nasasakupan ng Lucena at ang penalty provision para sa mga contractor na hindi susunod sa ordinansa ay bilang bahagi ng LGU police power na inilapat dahil sa patuloy na paglabag sa coordination at consulation na isinasaad ng Local Government Code.
Nilalaman ng ordinansa ng lungsod ng lucena na magkaroon ng konsultasyon ang sino mang magpapatupad ng proyekto sa siyudad – isa sa dahilan nito ay para masunod ang development plan ng lokal na pamahalaan.