News

Centenarian sa Bayan ng Mulanay Quezon, kinilala ng LGU at Tumanggap ng 100K

Sa pagdiriwang ng National Filipino Ealderly Week sa bayan ng Mulanay Quezon, isang centenarian sa kanilang bayan ang kinilala at tumanggap ng isang daang libong pisong insentibo.

Pinarangalan at kinilala ng lokal na pamahalaan ng Mulanay, Quezon sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare Development Office ang centenarian na si Lola Gregoria Valdepeña Alvarez mas kilala sa bansag na “Petang”.

Si Lola Petang ay nagdiwang ng kanyang ika-100 karaawan nitong October 22, 2022, ipinanganak siya noong ika-22 ng Oktubre 1922 sa Barangay Polacion 2. Nang mapangasawa ni Lola Petang si Lolo Fortunato Linong Alvarez, biniyayaan sila ng anim (6) na anak.

Ayon umano kay Gng. Consorcia Alvarez Loreto, ang natitirang anak ni Lola Petang, pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng kanilang pamilya at batak sa gawaing pambukid katulad ng pagtatanim at paggagamas ng damo si Lola Petang noong siya ay malakas pa.

Mahilig umanong kumain ng gulay at kamote at balinghoy si Lola Petang na maaari daw na dahilan kung bakit naabot niya ang kanyang edad sa kasalukuyan.

Sa kabila raw ng katandaan ay nakakapaglakad pa at nakakapagsalita nang maayos si Lola Petang.

Isang araw bago ang kanyang kaarawan, sa paggunita ng lokal na pamahalaan ng Elderly Filipino Week na may temang “Older Persons: Resilience in Nation Building noong Oktubre 21, 2022 kinilala at ginawaran si Lola Petang ng pinansyal na insentibo buhat sa DSWD, Pamahalaang Panlalawigan, at Lokal na pamahalaan ng Mulanay.

Si Lola Petang ay magsisilbi umanong isang inspirasyon sa mga Mulanayin na mapanatiling malusog at malakas ang pangangatawan.

Ayon naman sa hepe ng MSDWO, G. Gerald Dimaano, inaasahan na isang centenarian pa mula sa Poblacion 2 ang pararangalan at kikilalanin sa susunod na taon.

Patuloy raw na kinikilala ni Mayor Aris Aguirre ang mga naging ambag sa lipunan ng mga nakakatandang sektor sa kanilang bayan.

Pin It on Pinterest