Center of the Center of Marine Biodiversity patitindihin ang pangangalaga
Isinusulong ng Verde Island Sanctuary Management Board ang pagpapalakas ng kampanya kontra illegal na pangingisda sa Isla Verde na nasasakupan ng Batangas City. Ipinalabas ang Executive Order No. 578 o National Policy on Biological Diversity upang mapangalagaan ang Verde Island Passage Marine Corridor na itinuturing na “center of the center of marine biodiversity” sa buong mundo. Dito makikita ng iba’t-ibang species ng yamang dagat na hindi makikita sa ibang bahagi ng mundo. Isa sa mahigpit na problemang tinututukan ng board ang paglaganap ng paggamit ng compressor sa pangingisda na nakakasira ng corals gayundin ang aquarium fishing.
Ayon sa Maritime Police, mahirap masugpo ang paggamit ng compressor dahil walang anumang batas na nagbabawal rito kaya’t mahalaga makapagpasa ng ordinansang magpapataw ng parusa sa paggamit nito kagaya sa bayan ng Tingloy, Batangas. Isang resolusyon naman ang ipinasa ng VISMB na iniindorso sa Sangguniang panglunsod ng Batangas ang expansion ng Pulang Bato Fish Sanctuary sa Brgy. San Agapito sakop pa rin ng Isla Verde. Layon nitong mabawasan at mapadali ang rehabilitasyon ng mga dive-tourism destinations sa barangay. Isasama rin sa kahilingan ang pagpapasa ng panukalang ordinansa na magbabawal sa paggamit ng compressor sa pangingisda.