Command Center ng Lucena City, Inilunsad na
Sa pamamagitan ng Command Center ng Lucena City, mapapabilis daw ang pagresponde sa anong insidente saan mang panig ng lungsod at makakatulong sa pagpapanatili ng peace and order situation ng siyudad. Isa ang Lucena City sa Lalawigan ng Quezon at isa maraming lugar sa bansa ang magkakaroon ng Command Center.
Umaga ng October 6, 2022, sa harap ng mga barangay official ng Lucena City at ng mga Barangay Health Emergency Response Team ng iba’t ibang barangay, BFP, PNP at Coast Guard, inilunsad na ang Command Center ng siyudad. Pangangasiwaan ito ng Lucena City Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).
Sinabi ni Janet Gendrano, ang hepe ng Lucena DRRMO, ang Command Center ay may 3-way communication system gamit ang makabagong teknolohiya.
Sa pamamagitan ng isang emergency mobile application, madali nang i-report ang isang aksidente saan mang lugar sa siyudad at mabilis rin itong matutugunan ng mga responder sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS).
Ayon kay Gendrano, sa ganitong mekanismo ay iiral ang mabilis at angkop na pagtugon sa ano mang disaster. Ang hakbang daw na ito ng lokal na pamahalaan ay tungo sa isang disaster resilience community.
Sa ipinakitang audio video pesentation, magkakaroon sa lungsod ng 179 CCTV cameras na mayroong city-wide surveillance at night vision system, facial recognition, people counting at license plate recognition at Eagle Eye, isang camera na kayang umikot ng 360-degree makikita nito ang kaganapan sa halos kabuuan ng siyudad.
Pinangunahan ni Lucena City Mayor Mark Alcala kasama ang buong opisyal ng Sangguniang Panlungsod ang launching nito. Upang higit na maunawaan ang function at kung paano gamitin ang Lucena Emergency Aplication ng Commander Center ng siyudad, inatasan ng alkalde ang Lucena DRRMO na muling bumababa sa bawat barangay upang higit na magsagawa ng isang information dissemination at ipaalam ang mga bagay bagay tungkol sa Lucena City Command Center.
Sinabi naman ni Lucena City Councilor Nicanor Pedro Jr. ang bottom line ng paglulunsad nito ay para sa isang ligtas, tahimik at payapang pamayanan.