Committee Hearing Hingil sa Pagbuo ng Provincial Ordinance sa Pagsawata sa Illegal Fishing sa Inner Lamon Bay Sinimulan na!
Kaugnay sa Talumpating Pribilehiyo ni Quezon Province Sangguniang Panlalawigan Ex-officio Board Member Angelo Eduarte noong nakaraang regular na sesyon patungkol sa talamak na iligal na pagpasok ng mga malalaking palakaya tulad ng buli-buli para mangisda sa inner Lamon Bay at sa mga batas sa epektibong pagpapatupad upang masawata na ito, umaga ng Feb. 17, 2023 pinulong ng Committee on Agriculture ang komitibang hinahawakan ni Eduarte ang iba’t ibang konsirnadong ahensya at opisyal ng mga bayan na nakakasakop sa Lamon Bay para dinggin ang usaping ito upang makabuo ng ordinansyang magpapahinto sa iligal na pangingisda sa inner Lamon Bay.
Sa komitibang pagdinig, batay sa mga pahayag ng mga ahensya na dumalo samo’t sari ang mga inilatag na suliranin kung bakit tila hindi nahihinto ang iligal na pangingisda lalo na ng mga malalaking palakaya sa nabanggit na karagatan.
Ilan dito ay ang tila hindi maigting na pagpapatupad ng mga batas na may kaugnayan sa iligal na pangingisda at ibang mga issue bagay na iimbestigahan daw upang maresolba.
Sa bahagi naman ng Law Enforcement Unit ay ang problema daw sa kakulangan ng mga sasakyang pandagat na may kakayanan na agarang humabol o tumungo sa lugar kung saan nangyayari ang illegal fishing.
Nabanggit din ang mababang multa sa pagkakahuli na kayang bayaran upang magsagawa muli ng naturang iligal na gawain na nagiging paulit ulit lamang.
Ang mga bagay na ito ay pag-aaralang daw na mabuti at hihimay himayin upang makabuo ng isang Provincial Ordinance o lokal na batas upang matigil na sa karagatan ng probinsya patikular sa inner Lamon Bay ang mga iligal na pagpasok ng malalaking palakaya na labis na raw na nakakapekto sa maliit na mangingisda ng mga bayang nakakasakop dito.
‘’Ito po inisyal pa lamang na pangangalap ng mga dokumento upang sa ganoon ay mabuo natin ang ating gagawin Provincial Ordinance na kung saan naging mayabong naman sapagkat ang ating MFARMC na dumalo ay nakilahok at nagbigay ng kanilang inputs hinggil sa ating pinag-uusapan na mahalag sa pagkakataong ito nakukunsulta natin pong mga stakeholders”.
Sinabi ni Bokal Eduarte, matapos ang komitibang pagdinig, kakalap pa sila ng iba pang mga dokumento sa iba pang mga munisipalidad na nakakasakop sa Lamon Bay upang pag-aaralan ang kanilang mga Municipal Ordinance patungkol sa usaping ito.
‘’sa puntong ito tayo ay tutungo pa sa ibang bayan na ating concern upang sa ganoon ay kuhain ‘yung mga dokumento ng kanilang Municipal Fishery Ordinance ay ating makuha at ito po ay ating hihimay himayin pagsasamasamahin natin ‘yung ilang mga gawain doon sa kanilang ordinansa na kapakipakinabang”.
Bunga ito ng dinaluhang Joint Session ni Eduarte kamakaialan ng tatlong bayan ng Alabat, Quezon at Perez o tinatawag na ALQUEREZ tungkol sa usapin kung paano ito mareresolba at kung ano mga hakbang na pwedeng gawin para sa higit na epektibong pagpapatupad ng mga batas pangisdaan sa inner Lamon Bay.
Sa privilege speech ni Board Member Eduarte noong Feb. 13, 2022, hiniling nito sa plenaryo ng Sangguniang Panlalawigan na magkaroon ng Joint Session sa pagitan ng SP Quzeon at mga Sangguinang Bayan na nakakasakop sa Lamon Bay upang bumuo ng nagkakaisang ordinansa upang masawata ang iligal na pangingisda.
Binubuo ang inner Lamon Bay ng 8 bayan sa Quezon kabilang ang Alabat, Perez, Quezon, Atimonan, Plaridel, Gumaca, Lopez at Calauag.