News

Community gardens sa Brgy. Mayao Crossing, ikinakasa na

Inihahanda na ngayon ng Pamahalaang Barangay ng Barangay Mayao Crossing sa Lungsod ng Lucena ang kanilang community gardens.

Ito’y bilang pagsuporta ng nasabing barangay sa urban gardening program ng Department of the Interior and Local Government o DILG at sa inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena na Ordinance No. 2813 na may titulong “An ordinance implementing the Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay o HAPAG sa Barangay” na iniakda ni Konsehal Patrick Nadera, ang chairman ng committee on agriculture.

“Unang-una yung atin pong community gardens, ito na po ay may memorandum ng ating DILG at ipinasa na rin po sa atin ng Sangguniang Panlungsod na ang bawat barangay magkaroon po ng community garden na.”

Ayon kay Kapitan Zosimo Macaraig, isinasaayos na nila ang paglalagyan ng community gardens sa lugar para masimulan na rin ang proyektong ito.

“Sa kasalukuyan po kami po ay handa na at kami po nag-request sa kanilang city agriculture na mapahiram kami ng makina na pang-araro sa community gardens. Ito po ay nasa loob ng Mayao Crossing National Highschool. Magkakaroon po ng MOA ang ating school at ang ating barangay para ma-tie up din po ang ating school.”

Aniya, target nilang masimulan ang programa sa susunod na linggo at tinatayang nasa 500 hanggang 600 square meter daw kalawak ang kanilang pagtatanim.

Sinabi pa ni Macaraig, makakatugon ang nasabing programa sa pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin.

“Unang-una makakatipid, pwede naman silang humingi sa ating barangay kami naman ay handing magbigay itong gagawin nating taniman sa barangay o gulayan.”
Hinikayat naman ng punong barangay ang bawat tahanan na magtanim ng gulay at prutas sa mga bakanteng lupa.

Una nang isinulong ng DILG ang programang “Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay o HAPAG sa Barangay Project” na layong masolusyunan ang kagutuman at masiguro ang food security sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga sariwang prutas at gulay.

Pin It on Pinterest