Criminality rate sa bayan ng Pagbilao, bumaba
Bumaba ang criminality rate sa Bayan ng Pagbilao, Quezon at tumaas naman ang operational accomplishment ng kapulisan dito.
Ito ang sabi ng bagong talagang Chief of Police ng Pagbilao Police Station na si PMaj. Charlotte Fiesta Zahid sa harap ng mga Board Members ng Quezon Provincial Government nang tanungin ito sa estado ng peace and order sa kanilang munisipalidad.
“In terms of criminality, napababa naman po natin ‘yung criminality rate. Good to say na since March po, 2 consecutive na tayong no. 1 sa operational accomplishment,” sabi ni Zahid.
Iniulat din ng chief of police ng nabanggit na bayan na walang ano mang aktibidad ng makakaliwang grupo sa kanilang munisipalidad o malaya sa rebelyon ang bayan ng Pagbilao.
Sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon, umaga ng May 29, 2023, humarap si Maj. Zahid sa mga opisyal ng Sanguniang Panlalawigan bilang kanyang kortesiya sa mga ito sa pagiging bagong hepe ng kapulisan ng Munisipalidad ng Pagbilao.
Ang 34 taong gulang na bagong hepe ng pulisya ng Bayan ng Pagbilao na si PMaj. Charlotte Fiesta Zahid ay mula sa General Trias, Cavite, naging deputy chief ng Tayabas City Police Station bago italagang hepe ng Pagbilao Municipal Police Station.
Nagsilbi rin siya ng sampung taon bilang miyembro Special Action Force (SAF) at nadestino sa Visayas at Mindanao.
Siya ang kauna-unahang babaeng naging Company Commander ng Sniper Company, Insurgency Company, Rapid Deployment Battalion at unang babaeng Chief of Police ng Pagbilao MPS.
Nagtapos ito sa Philippine National Police Academy batch Sinag-Tala 2012.
Sa pagharap nito sa Sanguniang Panlalawigan, sinabi Vice Gov. Anacleto Alcala III na makakaasa ang kapulisan ng Pagbilao ng buong suporta mula sa kanila sa lokal na pamahalaan ng Quezon.