Dagatan Lake, inihahanda bilang critical habitat
Inilalatag na ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Tayabas ang preparasyon para sa pagtatatag ng Dagatan Lake bilang critical habitat.
Ito ay upang mapangalagaan at maprotektahan ang mga wildlife at ang habitat na matatagpuan sa lugar.
Ang Dagatan Lake ay isang dalawang ektaryang lawa na matatagpuan sa liblib na lugar ng Sitio Busal, Brgy. Palale, Tayabas City.
Sa isinagawang assessment taong 2011, natagpuan sa lawa ang Philippine Duck na nakalista sa International Union for Conservation of Nature (IUCN) Red List of Threatened Species bilang ‘vulnerable’, kaya nagkaroon ng rekomendasyon na maitatag ito bilang critical habitat.
At nitong ikatlong linggo ng Setyembre, napagtibay ang mungkahing ito matapos makapangalap ng sapat na dokumentasyon at patunay na nananahan nga ang wildlife na ito sa naturang lugar.
Nakatakdang magsagawa ng community consultation ang CENRO Tayabas sa mga lokal na stakeholder at kinauukulang LGU upang matiyak ang kanilang suporta kung sakaling ang Dagatan Lake ay makitang angkop para sa pagtatatag bilang critical habitat.
Ang pagtatalaga ng mga critical habitat ay nakasaad sa RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act na nagtatadhana para sa konserbasyon at proteksyon ng mga wildlife at kanilang mga tirahan.