Dating alkalde ng Lucena, isinusulong ang hindi na pagpila ng mga senior citizens sa pagkuha ng cash gift
“’Pag tayo’y napaupo ulit, ‘yong P500 ng senior citizen ay ipadadala natin sa kanilang bahay ng buong buo hindi sila kinakailangang pumila,” ito ang pahayag ni dating Lucena City Mayor Ramon Talaga Jr. sa eksklusibong panayam ng programang 4M sa 89.3 FM Max Radio at Bandilyo TV.
Ayon kay Talaga, maaaring dagdagan ang natatanggap na limang daang piso kung mas may edad ang benepisyaryo.
“Lalagyan natin ng ceiling, ‘yong ang age ay 60 hanggang 75 pwedeng P500 pero ‘yong 75 pataas pwede nating gawing P1,000 yon, pahayag ni Talaga”
Dagdag pa ng dating alkalde kailangang alamin din ng lokal na pamahalaan ang mga gamot na pangkaraniwang iniinom ng mga senior citizen upang matugunan ang pangangailangan ng mga ito
“Lahat halos ‘yan (senior citizen) may maintenance ‘yan… alamin ang lahat ng immediate maintenance ng mga senior citizen, sa sugar, sa high blood, sa rayuma ‘yon ang mga karaniwang sakit ng mga senior citizen so bumili na ang city government para paghingi ng isang senior citizen may maibibigay ang city government,” ani ni Talaga.
Samantala, binigyang diin naman ni Talaga na itinakda ng batas ang pagbibigay sa mga nakatatandang mamamayan kaya hindi dapat ito ginagamit sa pulitika.