DILG, hinikayat ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng information drive ukol sa SIM Card Registration Act.
Hinihikayat ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng information drive upang maabot ang bawat mamamayan sa implementasyon ng Subscriber Identity Module o SIM Card Registration Act.
Ayon sa R.A. 11934 o SIM Card Registration Law, kailangang irehistro ng lahat ng mobile subscribers ang kanilang SIM cards simula December 27, 2022.
Ang pagpaparehistro ng SIM card ay libre lamang o walang kinakailangang bayaran.
Sa pamamagitan ng isang secured platform o website na itatakda ng Public Telecommunication Entities (PTS), sasagutin sa registration form ang buong pangalan, kaarawan at address ng SIM Subscriber.
Kailangan rin nito ang valid government-issued IDs, tulad ng passport, SSS, UMID, driver’s license at iba pa.
Para naman sa minors, ire-register ang kanilang SIM Card sa ilalim ng pangalan ng kanilang magulang o guardian.
Ang Existing SIM subscribers ay mayroong 180 na araw para iparehistro ang kanilang SIM, at maaaring mag-extend hanggang 120 na araw habang magreresulta ng automatic deactivation kung hindi ito naparehistro sa loob ng itinakdang registration period.
Binigyang-diin ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. ang kahalagahan ng batas na tutulong na sugpuin ang mga krimen tulad ng mobile phishing, text at online scams, panloloko, at identity theft.
Makikipagtulungan din umano ang DILG sa Department of Information and Technology o DICT at National Telecommunications Commission para magtayo ng registration facilities sa mga lugar na limitado ang linya ng komunikasyon at internet na kailangan para i-rehistro ang isang SIM Card.