DILG maaaring mag imbestiga sa usapin ng nawawalang pondo ng Brgy. 8 sa Lucena
Maaaring pag-aralan at imbestigahan ng Department of the Interior and Local Government ang usapin ng pagkawala ng pondo sa Brgy. 8, Lungsod ng Lucena. Ayon kay Lucena City DILG Chief Rey Caceres ay mayroon silang legal team na magagamit upang mag-imbestiga at magrekomenda kung kakasuhan ba ito o hindi. Pero binanggit din ni Caceres na bagamat makakapag-imbestiga ang ahensya ay maaaring matagalan ito kaya mas magandang ideretso na ito sa Sangguniang Panglungsod ng Lucena o kaya ay sa Ombudsman.
Sa regular na sesyon ng Sangguniang Panglungsod ng Lucena ay nagdeliver ng kanyang pribelehiyong talumpati si Kon. Ramil Talaga at nabanggit nitong magsasampa siya ng reklamo tungkol sa usapin. Dahil isang konsehal may mga nagtanong sa Bandilyo TV kung maaari ba itong gawin. Ayon kay DILG Chief Caceres ay pwede sa kapasidad nito bilang konsehal o isang pribadong indibidwal man.
Kung matatandaan ay na-interview si Kapitan Mandy Suarez tungkol sa pagkawala ng pondo ng kanilang barangay. Sinabi nito sa Bandilyo TV na ang kanilang tresurera na si Joyce Ramos ang maykagagawan at pumeke rin anya ng pirma nito sa mga tseke ng barangay. Umamin na anya ang treasurer at sa affidavit nito ay sinabing wala daw kinalaman ang kapitan at inako ng treasurer ang responsibilidad. Pero ilang araw ayon kay Suarez ay nag-execute ng pangalawang affidavit si Ramos at inaakusahan na ang kapitan na kasabwat sa pagkawala ng pondo. Mariin naman itong itinanggi ni Kapitan Mandy Suarez.