Dolphin, nasagip sa Tagkawayan, Quezon
Nailigtas ng mga awtoridad nitong Linggo ang isang dolphin na natagpuang stranded sa baybayin ng Tagkawayan, Quezon.
Pasado alas-9 ng umaga, Enero 15, nang madiskubre ang dolphin sa mababaw na bahagi ng dagat sa Barangay Rizal.
Panginginain ng maliliit na isda sa katubigan ng Tagkawayan ang nakikitang dahilan ng PNP Maritime Group kung bakit napadpad ang dolphin sa lugar.
Agad rumesponde ang Bantay Dagat at Special Operations Unit ng PNP Maritime Group upang maibalik sa malalim na bahagi ng dagat ang dolphin at hindi na makapasok pa sa mga fishpen o baklad.
Higit isang linggo ang nakararaan, isang ring butanding ang namataan sa municipal water ng Tagkawayan na pinaniniwalaang panginginain rin ng maliliit na isda ang dahilan upang mapadpad sa lugar.
Samantala patuloy ang ginagawang monitoring ng PNP Maritime Group sa karagatang sakop ng bayan.