DTI nagpa-alala sa mamamayan tungkol sa substandard na christmas lights
Dahil season na ng kapaskuhan ay nagpaalala nang muli ang Department of Trade and Industry CALABARZON Office tungkol sa pagbili ng mga christmas lights na gagawing pang dekorasyon hindi lamang sa mga tahanan kundi pati na rin sa mga negosyo at mga opisina. Ayon sa DTI mayroon na silang natatanggap na mga ulat na may mga nagbebenta ng mga substandard na klase ng christmas lights. Nagsasagawa na rin ang ahensya ng pag-iikot at pag-i-inspeksyon sa mga tindahan na nagbebenta ng mga pailaw upang masigurong sumusunod ang mga negosyante sa mga tagubilin at regulasyon ng pamahalaan. Nagpaalala din ang DTI CALABARZON sa mamamayan na huwag mag-atubiling magtungo at magreklamo sa kanilang ahensya ukol sa nabiling mga substandard na mga kagamitan.
Sa mga nakalipas na panahon ay mga substandard na christmas lights ang nagiging sanhi ng mga sunog sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ang mga substandard na christmas lightings na ito ayon sa ahensya ay kadalasang masyadong maliliit ang mga wires na ginagamit kaya madaling uminit ang masunog ang mga ito. Ang iba naman, bukod sa maliliit ang mga kable na ginagamit ay hindi rin maganda ang kabuuang kalidad ng produkto katulad ng sira-sirang mga ilaw, mabilis matalop na mga insulations at mga christmas lights na shorted ang circuit pero hindi nakita dahil hindi dumaan sa tamang quality control.