‘Earthquake-proof’ municipal hall, target ng Infanta, Quezon
Pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ng Infanta, Quezon ang paglalagay ng base insulator sa kanilang itatayong bagong municipal hall.
Ito ay isang device na idinevelop upang maiwasan o mabawasan ang pinsala sa mga gusali sa panahon ng lindol.
Nitong Miyerkules, ginanap ang isang benchmarking activity sa pagitan ng local government ng Infanta at RBRA Consulting sa pangunguna ni Engr. Ruel B. Ramirez na siyang pioneer ng Anti-Earthquake Device sa bansa.
Dito ipinakita at ipinaliwanag ni Engr. Ramirez ang siyensya at teknolohiya sa likod ng mga base isolators kung paano ito gumagana oras na lumindol.
Pinuntahan ng grupo ang mga on-going projects ng RBRA sa De La Salle Lipa, Batangas, De La Salle Greenhills sa San Juan City at ang Multipurpose Infectious Diseases and Tropical Medicine Geriatric Building sa San Lazaro Hospital.
Sa site-visit na ito, nakita ang iba’t-ibang yugto ng konstruksyon kung saan ay ikinakabit ang mga Anti-Seismic device o ang Isolators.
Nagkaroon din ng ideya ang mga kinatawan mula sa Municipal Engineering Office kung paano ang tamang paraan ng pagkakabit ng mga device na ito sa isang gusali.
Ayon sa lokal ng pamahalaan ng Infanta, kapag naisakatuparan ang kanilang itatayong bagong municipal hall ay ito ang pinakaunang munisipyo sa bansa na earthquake-proof.
Oras anila na matapos ang konstruksyon ng bagong munisipyo ay masisiguro ang kaligtasan ng mga empleyado, kliyente at mga kagamitan sa loob nito oras na tumama ang isang lindol sa tulong ng mga base isolators.