Endangered bird na Brahminy Kite, na-rescue ng Quezon Maritime PNP; kampanya sa illegal wildlife trade mas pinaigting
Nasagip ng mga tauhan ng Quezon Maritime Police Station sa isang lalaking 25-anyos ang isang Brahminy Kite o Lawin na isang uri ng ibon na ilegal sanang ibebenta sa Brgy. Dila, Bay, Laguna.
Ayon kay PCPT. Benito Siddayao Jr., ang hepe ng Quezon Maritime PNP, sinubukan umanong ibenta online ng isang suspek ang naturang ibon na walang kaukulang permiso at dokumento pero nasabat ito sa ginawang nilang buy-bust operation dahilan upang masagip ang ibon.
Aniya, isang online transaction ang naganap sa suspek kaugnay sa bentahan at nang magkasundo sa presyong P3000 ng ibon na tinatawag na Brahminy Kite, dito na ikinasa ang buy-bust sa Brgy. Dila, Bay, Laguna ang lugar na napagkasuduan ng bentahan.
“Through online negotiation pakilala ‘yung aming operatives dito na bibili dahil sa pag-uusap na ‘yun na-entrap namin through buy-bust operation,” ani Siddayao.
“Kasi may permit dapat sa ating DENR saka alam naman nila ‘yung mga endangered species natin na bawal ibenta at kailangang pangalagaan pa para naman ‘yung atin mga susunod na henerasyon,” sabi ni Siddayao.
Ang suspek na lalaki ay residente ng Purok 6, Hanggan II ng nasabing lugar.
Inaresto ang suspek dahil sa paglabag sa illegal trading of wildlife matapos na mabigong magpakita ng kaukulang permiso kaugnay sa transaksyon.
Ang nasagip na lawin ay dinala ng Quezon Maritime PNP Group sa DENR Office para sa tamang disposisyon.
“Yung SOP namin tinuturnover namin sa DENR para sa kanyang normal habitat,” saad ni Siddayao.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sec. 27, paragraph e (Trading of Wildlife).
Samantala, ilang beses na nakapag-rescue ang Quezon Maritime PNP ng mga wildlife na ilegal na ibinebenta online.
Pinapaalalahanan din ang publiko na ang pagkuha, pagkatay at pagbebenta ng mga endangered species ay ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 9174 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.